SA maraming mukha at lebel, patuloy na nakaaapekto ang coronavirus pandemic sa pamahalaan, negosyo at panlipunang samahan, gayundin sa lahat ng mga indibiduwal sa mundo.
Nagmumula ang pangunahing takot sa bilang ng mga namamatay na patuloy na dumarami sa maraming bansa. Maaaring nahinto na ang pagkamatay sa China, kung saan nagsimula ang lahat, ngunit sa ibang lugar –partikular sa Italy at Iran – daan-daang pagkamatay ang patuloy na iniuulat.
Nangangamba rin ang pamahalaan sa epekto ng pandemic sa ekonomiya. Sa Pilipinas, isang London-based think tank, Capital Economics, ang nag-ulat sa pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas sa unang bahagi ng taon, higit pang pagbagal sa ikalawang bahagi, matinding pagbagal sa ikatlong bahagi at malakas na pagbangon sa ikaapat na bahagi ng taon.
Ngunit ito ay nasa lebel ng mga tao na kailangang ngayong bigyan ng matinding atensiyon ng ating mga pambansang lider. Pangunahin pa ring hangarin ang kaligtasan at “survival” ng mga mamamayan, hindi lamang mula sa banta ng coronavirus ngunit gayundin sa biglaang pagkahinto ng kanilang buhay dahil sa ipinatutupad na lockdown.
Tinanggap ng mga tao sa Luzon ang pangangailangan ng quarantine o lockdown. Ayon kay Sen. Miguel Zubiri, ang isa sa pinakamataas na opisyal na nagpositibo sa sakit, maaaring nahawa siya ng isang bisita sa Senado at nang makaramdam siya ng hindi maganda—kasama nina Senador Sherwin Gatchalian at Nancy Binay – agad silang nagpa-quarantine sa kanilang mga opisina. Kalaunan ay nagpasitibo nga siya sa COVID-19.
Ang tatlong senador ay halimbawa nating lahat. Ang pagkahawa ni Senador Zubiri ay nagpapatunay lamang na maaaring mahawa ng coronavirus ang sinuman na malapit para makalipat ang virus mula sa droplet na nagmula sa hininga ng isang maysakit na tao. Ang pagdidikit o pagtatabi ng mga tao, lalo na sa pagtitipon-tipon, ang nais maiwasan kaya’y ipinatutupad ang quarantine o lockdown sa Luzon.
Sa mga hospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang ating mga doktor, nurses at iba pang health workers ang nangunguna sa pakikipaglaban sa virus. Maaari lamang makatulong ang mga ordinaryong taong tulad natin sa pagsunod sa lockdown upang hindi na makahawa pa ang virus sa bagong biktima.
Para sa usapin ng epekto ng pandemic sa ekonomiya, maaaring itong paglaanan ng panahon kapag tapos na ang problema. Mabuting mabatid ang iniulat ng London think tank Capital Economics, na tinatayang pag-ahon ng ekonomiya ng Pilipinas sa huling bahagi ng taon. Makatutulong ito sa ating mga opisyal upang makatuon sila sa pangangailangan ng mga tao, partikular sa pinakamahihirap na mamamayan, na nangangailangan ng tulong upang makaraos sa panahong ito.