ANG deklaradong pambansang polisiya ng Bayanihan Law 2020 ay social amelioration. Ang tulungan ng pamahalaan ang taumbayan lalo na ang mga dukha sa panahon na umiiral ang enhanced community quarantine dahil animo’y naka-house arrest sila. Sa remedyo kasing ito, kapag nalilimitahan ang galaw ng taumbayan lalo na sa buong Luzon, makokontrol ang mabilis na pagkalat ng nakakamatay na sakit sa baga na COVID-19. Ang maiwasan ang pagkahawa-hawa ang lunas sa ngayon upang hindi dumagsa ang nagkakasakit at magamot ang mayroon na nito ayon sa kakayahan pa ng mga doktor, pasilidad, gamot ospital. Nagrereklamo na ang mga grupo ng mga doktor at ospital dahil ang kakayahan nila ay umabot na sa sukdulan para pa sila makapaglingkod.
Upang malunasan ang pagkagutom ng mamamayan, binigyan ng Kongreso ng malaking pondo si Pangulong Duterte, maliban pa ito sa mga emergency powers, na nagkakahalaga ng P34 bilyon. Dahil wala ito sa badget na inaprobahan ng Kongreso, nagkaroon ito ng special session kamakailan at ipinasa ang Bayanihan Law 2020. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang Pangulo na kolektahin para sa kanyang pag-iingat ang nasabing pondo mula sa mga naipon at hindi pa nagalaw na pondo ng lahat ng departamento at ahensiya sa loob ng ehekutibo. Ang pondo ay inilaan para sa 18.5 milyong informal economy families na makatatanggap ang bawat pamilya ng tulong sa halagang P8 o P5 araw-araw depende sa halaga ng minimum wage na umiiral sa kanilang lugar. Maaaring tumagal ang tulong sa loob ng 2 o 3 buwan.
Kaya, sa kamay na naman ng Pangulo inilagay ang kapalaran hindi lamang ng mga dukha na mabibiyayaan ng batas kundi ang buong sambayanan at bansa. Ang nilulunasan kasi ng batas ay ang kahirapan at kagutuman na lumubha dahil sa lockdown. Eh ito ang laging dahilan ng kaguluhan. Puwede mong lokohin ang mamamayan ng kahit anong fake news, pero hindi na ito uubra sa mga taong kumakalam ang sikmura. Sa mga taong ito, iisa lang ang direksyon ng kanilang isipan at ito ang mabuhay nang hindi nakadilat ang mata. Kaya, ang katahimikan, na kapakanan ng lahat, nakasalalay sa kung paano mapapaigi ang buhay ng mga dukha at nagugutom.
Sa mensahe ng Pangulo kamakailan sa bayan, tiniyak niya na mapupunta sa kinauukulan ang tulong na ibinigay ng batas sa mga mahirap. Walang magagawa ang mamamayan kundi panaligan ang Pangulo sa kanyang pangako. Hindi sana matulad ito sa mga pangako niyang mawawakasan ang problema sa droga at ipaglalaban ang soberennya ng bansa sa West Philippine Sea. Dahil binigyan din siya ng kapangyarihang palawigin ang lockdown at palawakin ang sakop nito, hindi sana magamit ito tulad ng kanyang ginawa sa Marawi na buong Mindanao ang kanyang isinailalim sa martial law at pinalawig pa ito na kung hindi sa sunod-sunod na lindol ay baka nagtagal pa ito. Baka masaid na ang kaban ng bayan kapag nagtagal ang lockdown.
-Ric Valmonte