Positibo na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Senador Sonny Angara, ang ikatlong senador na nagkumpirma na nahawaan ng naturang sakit.
“I regret to announce that today, March 26, I received my test result and it is positive for COVID-19. I have been feeling some symptoms like mild fever, cough, headache and general weakness,” pahayag ni Angara.
Sinabi pa nito na nag-self-quarantine (SQ) na siya mula pa noong Marso 16, at wala na rin siyang nakahalubilong tao.
Nauna ng nagpositibo si Senate Majority Leader, Juan Miguel Zubiri na kasalukuyan pang nasa SQ habang si Sen. Aqulino “Koko” Pimentel II naman ay humingi na ng kapatawaran sa Makati Medical Center (MMC) matapos na magpositibo din ito.
Pumunta pa kasi sa MMC si Pimentel para ihatid ang kanyang asawang manganganak na.
Umani ng batikos si Pimentel mula sa netizens at maging sa pamunuan ng MMC.
“I apologize to MMC for being in their hospital on the evening of March 24, 2020 which may deemed to be a breach of their safety/containment protocols, I never intended to breach any protocol but I realize now that my presence in MMC unnecessarily caused additional anguish and concern to the courageous frontline health workers we all depend on. I was simply there to be with my wife during the birth of our daughter,” sabi pa ng senador.
Nauna ng sinabi ni MMC Director Saturnino Javier na nalagay sa alanganin ang mga narses, ,manggagamot at staff ng MMC sa pagdalaw ni Pimentel.
SOLON NA NAGPOSITIBO, KAKASUHAN
Posibleng kasuhan ng Presidential Security Group (PSG) si
ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap dahil sa paglabag sa protocol ng Malacañang nang dumalo sa pagpupulong sa Palasyo nitong Sabado kahit nahawaan na ito ng coronavirus disease 2019.
Paliwanag ni PSG commander Jesus Durante III, iniutos na niya ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente at hihintayin na lamang ang resulta nito bago magdesisyon sa paghahain ng reklamo laban sa maysakit na kongresista.[
Nitong nakaraang Miyerkules, isinapubliko ni Yap na nagpositibo ito sa nasabing virus ilang araw matapos na dumalo sa pagpupulong ng mga miyembro ng Gabinete sa Malacañang.
“Ongoing ‘yung investigation. Nag-form na ako ng team, actually a task force from the team. If it’s really necessary to file a case against him then we will,” pagdidiin ng opisyal.
“Umattend siya sa meeting involving itong mga other Cabinet secretaries and it really endangered everyone dito sa loob Palasyo,” aniya.
Inihayag ni Durante, hindi idineklara ni Yap na nakararanas siya ng sintomas ng COVID-19 nang i-fill up nito ang ibinigay na form sa mga bisita.
“Based on his declaration form, he specified ‘No’ to every question. Wherein the mere fact ng mga statement naman niya na lumabas is dapat ‘Yes’ yung sagot niya sa iba.
He did not declare na may contact siya with some people who were found positive. He has coughs, he has been experiencing some symptoms, hindi niya lahat diniclare ito,” paliwanag ng opisyal.
“Talagang misdeclared lahat ‘yung other items, not all the top items, yung nilagay niya. So isa yun, kaya pinapa-imbestigahan ko,” sabi nito.
6 PSG MEMBERS, IKA-QUARANTINE
Iniutos na nito sa anim na tauhan niya na mag-self-quarantine habang aabot naman aniya sa 20 katao mula sa Office of the President ang itinuturing na persons under investigation (PUI).
“I’m requiring them (PSG personnel) actually to go on self-quarantine. May mga measures naman kami dito like daily check-ups for them, pinupuntahan sila ng mga medical teams natin. It could reach up to 20 people kasi kasama dito ‘yung support personnel, eh. Because from there, pagdating pa lang, processing pa lang, pagdating niya, somebody would meet him, then assign him to a seat, search him. Itong mga waiters natin, then the staff na nandoon present at the meeting,” aniya
Ipinag-utos aniya nito ang imbestigasyon sa usapin upang madetermina kung kinakailangan pa nilang palitan ang ipinatutupad na patakaran sa Malacañang.
“I still had it investigated kung ano man talaga ang nararapat gawin dito. If we have to revise our forms, our measures.
From the form alone, kung may idadagdag dito. One of the questions is kung nag-undertake ba siya ng test. If the person answered ‘Yes,’ then bakit siya nagpa-test? So that could be one, to find out”.
Binalaan din nito ang mga bumibisita sa Malacañang na makipagtulungan sa kanila.
“We are just reminding them to please cooperate with us, the PSG, and they should be honest in disclosing all this information.
We are fighting COVID-19. So this is actually for the safety and good health of every one of us, not only the President, but para po sa ating lahat ito,” lahad nito.
Mahigpit aniya ang ipinatutupad nilang patakaran upang hindi mahawa ng sakit si Pangulong Rodrigo Duterte.
“We are actually restricting any visitors, even the meetings are very limited. [The] last meeting with the IATF, it was conducted via teleconference. Then phone calls, if necessary. But direct meetings, nawala na yun,” sabi pa nito.
1 PANG DOCTOR, NAMATAY
Pumanaw na rin dahil sa COVID-19 si Dra. Sally Gatchalian, ang kapatid ng komedyante at television host na si Ruby Rodriguez, ng Eat Bulaga, kahapon.
Ayon kay Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP), dakong 3:00 ng madaling araw nang bawian ng buhay si Gatchalian, na assistant director ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), matapos siyang i-intubate dahil sa hirap nang huminga habang naka-confine sa pagamutan.
Bago umano tuluyang binawian ng buhay, nakapagpaalam pa si Gatchalian, na pangulo ng Philippine Pediatrician Society (PPS).
Sa isang post sa kanyang social media account, sinabi ni Gatchalian na, “It’s now time to say goodbye”.
Kinumpirma rin naman ni Rodriguez ang pagpanaw ng kapatid.
Nagbigay pa ito ng mensahe na “I love you so much, my big sister. Smile. Say hi to Mom, Dad and Manong Robert. Be at peace, do not worry about us anymore. Have fun in heaven! Love you so much!!!”
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Jimenez na si Gatchalian ang ika-9 na doktor na nasawi dahil sa COVID-19.
“Pang-siyam na po si doktora Sally,” ani Jimenez, sa panayam sa radyo.
Ani Jimenez, may ulat na may isa pang doktor ang nalagutan na rin ng hininga dahil pa rin sa COVID-19 ngunit kinukumpirma pa aniya nila ito.
Kung totoo ang ulat, ito na ang magiging pang-10 doktor na namatay dahil sa virus.
Bukod kay Gatchalian, kabilang sa mga bayaning doktor na namatay habang nakikipaglaban sa COVID-19 sina Dr. Raul Jara, cardiologist, Philippine Heart Center; Dr. Marcelo Jauchico ng Pampanga Provincial Health Officer; Dr. Israel Bactol, cardiologist, Philippine Heart Center; Dr. Rose Pulido, oncologist, San Juan de Dios Hospital; at Dr. Greg Macasaet, anaesthesiologist, Manila Doctor’s Hospital. Mary Ann Santiago
NAGPA-TEST, DAPAT MAG-QUARANTINE
Nilinaw kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na dapat munang sumailalim sa quarantine ang isang indibidwal na naghihinalang dinapuan siya ng virus at una nang nagpasuri laban sa virus.
Ang pahayag ay ginawa ni Duque matapos pumutok ang isyu na dalawang mambabatas, na una nang nagpasuri laban sa COVID-19 ang hindi nag-quarantine at nakihalubilo pa sa ibang tao gayung hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang testing sa kanila.
“Dapat ‘on quarantine’ kapag nagpa-COVID test ka,” ani Duque, sa isang panayam sa radyo.
Maging si Duque mismo ay matatandaang nag-quarantine din nang matukoy na may nakahalubilong direktor ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa virus.
Bagamat nagnegatibo na sa virus si Duque, itinuloy niya ang kanyang quarantine, na nagtapos lamang kamakalawa.
Naniniwala rin si Duque na paglabag sa protocol ang pakikisalamuha sa publiko, nang hindi pa lumalabas ang resulta ng COVID test.
Binigyang-diin ni Duque na kung may nararanasan kang sintomas ng sakit dapat ay i-assume mo na, na ikaw ay infected ng virus, kahit wala pang resulta ang pagsusuri na isinagawa sayo.
Paglilinaw niya, hindi naman gamot ang COVID testing at ang mga sintomas ng sakit ang dapat na i-manage ng mga pasyente.
“Dapat kung alam mo na lahat ng indikasyon ay nandoon o nagsa-suggest na ito ay malamang na COVID, bakit ka maghihintay ng test?” anang kalihim. “You manage it already. Kalokohan yung sasabihin natin na, ‘Wala pa yung test e.’”
Ilan aniya sa mga sintomas ng virus na dapat na bantayan ay lagnat, dry cough, sipon, pangangapos ng hininga at diarrhea.
Matatandaang inuulan ng batikos ngayon sa social media si Sen. Koko Pimentel dahil sa pagpunta nito sa isang ospital para samahan ang manganganak na asawa.
Ang senador ay una ng naka-self quarantine at sumailalim sa COVID test matapos makaramdam ng ilang sintomas ng virus.
Nasa 10 araw pa lamang naman umano siya ng quarantine nang kailanganing magtungo sa pagamutan upang samahan ang kanyang may bahay na nakatakdang manganak sa pamamagitan ng caesarian operation.
Nasa ospital pa mismo ang senador ng matanggap ang balita mula sa RITM na positibo siya sa COVID-19 kaya’t dali-daling nilisan ang pagamutan.
Humingi naman na ng paumanhin ang senador sa nangyari at iginiit na hindi niya intensiyong makaperwisyo ng iba.
Aniya pa, nang magtungo sa pagamutan ay hindi pa niya alam na COVID positive siya.
Humihingi rin si Pimentel ng pang-unawa sa publiko at nilinaw na hindi nilakad ni Duque na payagang ma-confine sa pagamutan ang kanyang asawa, taliwas sa mga ulat na kumakalat sa social media.
TAMANG DISPOSAL, PINATUTUTUKAN
Pinatututukan naman ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa local government units (LGUs) ang tamang handling at disposal sa mga labi ng mga coronavirus disease (COVID-19) patients.
Sa press briefing ng task force sa Malacañang, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, na isa sa mga rekomendasyon ng Task Force ang pagtatalaga ng mga LGU ng funeral service facilities na siyang magbibigay serbisyo sa labi ng mga pasyente.
Ang mga LGU aniya, ay maaaring magbigay ng financial assistance para sa logistics, fuel, sweldo, at iba pang expenses, na kakailanganin sa prosesong ito.
Dapat aniya ay mahigpit na obserbahan ang general infection precautions, upang maiwasan pa ang pagkalat ng virus.
Ang mga LGU ay maaaring magbaba ng ordinansa, na maglalagay ng price cap o price freeze sa mga funeral services sa kanilang nasasakupan.
Ang funeral companies naman, ay dapat na mag-provide ng transportasyon o home accommodation para sa kanilang mga staff.
Habang ang LGUs at Department of the Interior and Local Government (DILG), ay dapat na i-monitor at parusahan ang mga funeral home na tatangging magbigay ng kanilang serbisyo, partikular ang logistics, transport o pagpick-up ng mga labi ng COVID-19 patients.
NOGRALES, NAG-SELF-QUARANTINE
Nagpasya na ring mag self-quarantine si Nograles.
Ayon kay Nograles, kusa niya itong ginawa kahit wala naman siyang direktang nakasalamuhang nagpositibo sa COVID 19 at wala siyang nararamdamang sintomas ng sakit.
Aniya, nasa second generation ang kanyang category kung tutuusin na ang ibig sabihin ay pwedeng hindi siya mag-self quarantine subalit minabuti na aniya nyang gawin kaya’t magsisimula na rin aniya siyang mag work from home.
Tiniyak ni Nograles na tuluy tuloy pa rin ang trabaho ng IATF pero magiging teleconferencing na ang kanilang set up.
Sa kabilang dako, maliban kay Nograles, nag self quarantine na rin sina Budget Secretary Wendel Avisado, DSWD Secretary Rolando Bautista, DILG Secretary Eduardo Año, at Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr. na pawang nakahalubilo ni Cong. Eric Yap na COVID 19 positive.
Sinabi ni OPAPP Spokesperson Wilben Mayor na “kasama siya nina Galvez at Yap sa meeting noong Sabado sa Malacanang.
28 MANGINGISDA, SINUSURI
Isinailalim sa medical examination ang 28 mangingisda na sakay ng apat na fishing vessel para matiyak kung ang mga ito ay carrier ng COVID-19.
Sa ulat ng Ilocos Sur Police, apat na fishing vessel ang nakatigil sa sea Water ng Bgy. Mambog, Sta. Cruz, Ilocos Sur kaya agad itong itinawag sa Philippine Coast Guard Sub Station sa Candon City, Ilocos Sur.
Natukoy na ang fishing vessel ay nagmula sa Tibanban, Governor Generoso, Davao Oriental at sakay ang nabanggit na bilang ng mangingisda nang mamataan nitong Miyerkoles ng 11:40 ng umaga.
Lumilitaw na noong Marso 15 , inupahan ang mangingisda ng isang Jesus Weeng na madeliver ng nasabing fishing vessel sa isang Marlene Vilog Corpuz, 62, negosyante, sa nabanggit din lugar.
13,843 PUM SA TARLAC
Aabot na sa 13, 843 persons under monitoring (PUM) ang naitala ng Tarlac Provincial Health Office.
Inihayag naman ni Speaker Alan Peter Cayetano na naglaan ang Kongreso ng P275 bilyon ngayong 2020 para labanan ang pagkalat ng virus.
Ang pondo ay kukunin sa pambansang budget alinsunod sa batas na pinagtibay ng magkasanib na sesyon ng Kamara at Senado noong Lunes. Bibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na i-realign o ayusin ang mga pondo ng iba’t ibang departamento para sa pagsugpo sa corona virus.
“The administration’s economic team has studied this very carefully. It assures us that we are still in a very good fiscal position even after we survive this crisis,” ayon sa kongresista.
Sinabi ng Speaker na natukoy ng Department of Finance at Dep’t. of Budget and Management ang 18 milyong mahihirap na pamilya na tatamaan ng Luzon-wide lockdown na idineklara ng Pangulo.
-LEONEL ABASOLA, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at MARY ANN SANTIAGO (May dagdag na ulat nina Beth Camia, Liezle Basa Iñigo, Leandro Alborote, at Bert de Guzman)