KUMPARA sa ibang mga bansa, partikular mula sa Yuropa (Europe), mapalad pa ring maituturing ang Pilipinas dahil kakaunti pa hanggang ngayon ang infected na likha ng salot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sana ay hindi na madagdagan pa.
Batay sa mga report, nalampasan na ng Italy ang bilang ng mga namatay (hindi nasawi) sa China na itinuturing na episentro ng coronavirus na ngayon ay nananalasa sa maihigit 150 bansa sa mundo. May ulat na sa isang araw lang, mahigit sa 600 tao ang namatay sa virus.
Samantala, sa Pilipinas na isang Katolikong bansa, may 230 lang ang infected ng virus at walo pa lang ang namatay habang sinusulat ko ito. Buwenas ang ating bansa kung iisiping libu-libong Chinese mula sa Wuhan City (Hubei Province) na sentro ng salot na sakit, ang noon ay nagpupuntahan sa PH. Bukod dito, libu-libo ring Tsino mula sa mainland China ang halos araw-araw ay pumapasok sa bansa.
Mabuti ang desisyon ng Duterte administration na ipasara ang mga casino at POGOs upang maiwasan ang pagkalat ng epidemyang kumitil na ng mahigit sa 10,000 buhay. Sa mga casino ay naroroon ang iba’t ibang nasyonalidad, karamihan ay Chinese, na naglalaro. Hindi naipatutupad dito ang tinatawag na “social distancing” dahil magkakadikit ang mga player at halos nagkakahingahan na.
Ang POGOs naman ay ganito rin ang situwasyon. Puro mga Tsino ang doon ay naglalaro mula sa mainland China kung kaya may posibilidad na sila’y magkahawahan. Paglabas nila roon, posible ring makahawa sila ng ibang mga tao, partikular ng mga Pilipino.
Batay sa mga ulat, mismong si Health Sec. Francisco Duque III ang nagpasiyang mag-self-quarantine dahil nakahalubilo o nakausap niya ang isang director ng Department of Heatlh (DOH) na positibo sa COVID-19.
Ayon kay DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire, mabuti naman ang kalagayan ni Sec. Duque. Nalamang vulnerable ang Kalihim sa virus dahil siya ay may asthma at hypertensive o alta-presyon. Si Duque ay senior citizen na rin.
Sa puntong ito, ipinayo o ipinasiya ng DOH na isailalim sa panibagong pagsusuri si Pres. Rodrigo Roa Duterte dahil madalas niyang makatabi si Duque kapag may cabinet meeting. Sa unang pagsusuri, negatibo sa COVID-19 si PRRD at maging ang dati niyang aide na si Sen. Christopher “Bong” Go.
Dahil malimit niyang makausap at makatabi si Sec. Duque, makabubuti sa Pangulo kung siya’y isasailalim na muli sa COVID-19 test. Sana ay muling negatibo ang Presidente sapagkat kailangan siya ng bayan at ng mamamayan sa panahon ngayon ng krisis.
Magagaling ang mga manggagamot na Pinoy. Gumawa sila ng mga hakbang upang makontrol ang pananalasa ng COVID-19 sa kabila ng pagpasok sa Pilipinas ng mga Chinese na itinuturing na may dala ng karamdamang ito. Magagaling din ang mga Pilipino, malalakas ang immune system, malulusog at handang sumagupa sa virus na ito na hanggang ngayon ay wala pang gamot o bakuna na natutuklasan para ito’y masawata.
-Bert de Guzman