INANUNSIYO ng China nitong Marso 21 na tutulong ito sa 82 bansa sa Asya, Europa, Amerika, at Middle East, gayundin sa World Health Organization (WHO) upang malabanan ang COVID-19. Hinihintay ng mundo na ibahagi ng China ang nalalaman nito mula sa naging karanasan sa tatlong buwan nitong pagharap sa nakamamatay na virus.
Magpapadala ang China ng daang milyong test kits, masks, at protective clothing sa iba’t ibang mga bansa para sa diwa, ng sinasabi nitong “Community of Shared Future of Mankind.”
Mabuti na lamang at nakapagtatag muli ng mahigpit na ugnayan ang China at Pilipinas mula sa libong taon ng kritikal na bahagi ng kasaysayan. Isa ang Pilipinas sa mga unang nakatanggap ng tulong mula sa China. Noong Marso 21, dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 100,000 COVID-19 test kits, 10,000 set ng personal protective equipment na kailangan ng mga health workers, at 10,000 N95 face, na itinurn over ni Chinese Ambassador Huang Xilian kay Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr. Inilarawan ng kalihim ang donasyon bilang “a model for what the rest of the world should be doing. Instead of blaming each other for what’s happening, we should all start working together to help each other.”
Nakatanggap din ang ibang mga bansa ng katulad na ayuda na tinatawag ng ilan na “Health Silk Road.” Ikinatuwa ni Serbian President Aleksandar Vucic ang airbus na nagdala ng tulong sa kanilang bansa. “Everything on this plane is free…. We should thank them with all our hearts,” anito. Habang pinatugtog pa ng Italy ang national anthem ng China nang dumating ang 1,000 ventilators.
Natalo ng China ang COVID-19 makalipas ang tatlong buwan, na napababa ang infection rate sa zero mula sa mataas na 14,108 kaso noong Pebrero 12, 2020. Isa itong tagumpay na inilarawan ng WHO bilang “a new standard” sa pagtugon sa isang epidemya.
Sa pagbagsak ng naitatalang kaso, itinuon naman ng China ang kanilang atensiyon sa pagbibigay ng tulong sa ibang mga bansa. Kasama ang Pilipinas, isinulong nito ang isang China-ASEAN foreign ministers meeting sa Laos noong Pebrero 20 upang makipag-ugnayan ng hakbang upang matugunan ang lumalalang krisis.
Pandaigdigang kooperasyon ang nakikitang positibong dulot nang nagpapatuloy na krisis. Dapat na magpatuloy ang pagtutulungan ng mga bansa at higit pang lumago sa mga susunod na dekada lalo’t tiyak na magkakaroon pa ng mga katulad na banta ng COVID-19, na haharapin ng sangkatauhan.