HABANG kumukulo sa galit ang damdamin ng sambayanang Pilipino sa mga negosyanteng ganid at mapagsamantala sa gitna ng pananalasa ng Coronavirus Disease (COVID-19), may mga negosyante pa rin naman pala na patagong tumutulong, lalo na sa mga health workers natin na tinaguriang “frontliners” sa labang ito ng buong mundo.
‘Di pa kasi humuhupa ang aking pagkainis sa narinig kong pagsasamantala – pagtataas ng presyo ng renta sa rooms nito -- ng may-ari ng isang malaking hotel sa may lugar ng Mall of Asia sa Pasay City nitong nakaraang linggo, nang malaman ko naman na may isang hotel owner din na ipinahiram ang mga kuwarto ng kanyang mga hotel sa mga “bayani” natin sa labang ito.
Kuwento ni Koyang Lito Gagni, lodi kong business writer, editor at publisher, nang magkausap kami sa cellphone kahapon, bilang reaksyon niya – inis at galit din si Koyang sa magpasamantalang negosyante – sa nakaraang kolum ko hinggil sa hotel sa Pasay City na sobrang nag-over-price ng mga room na rerentahan sana ng mga call center agents sa naturang lugar.
Kaya buong pagmamalaking ikinuwento ni Koyang Lito ang hinggil sa pagpapahiram ng isang batambatang negosyante ng kanyang mga motel at hotel - Dahlia Motel sa Pasig City; Bermuda Motel sa Mandaluyong City; Palanca Hotel at Vista Hotel sa Maynila; at Citystate Tower para sa Philippine General Hospital (PGH) – sa mga makabagong bayani ng panahong ito, ang ating mga health workers na “frontliners” sa pakikibaka sa COVID-19.
Malaking problema kasi sa “frontliners” natin ang pag-uwi-uwi sa kanilang mga tahanan, bukod pa kasi sa pagod na ang mga ito sa halos buong maghapon na pagtatrabaho sa mga ospital, ay ang panganib na madala pa nila sa kani-kanilang lugar ang deadly virus mula sa mga kontaminadong pasyente.
Nang mabanggit ni Koyang Lito ang pangalan ng negosyante ay Edgar Cabangon, ‘di na ako nagtaka. Sabi nga ng isang matandang kasabihan: “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.”
Anak kasi si Edgar ng lodi kong negosyante at media owner din, na kung tawagin namin noong dekada 80 ay si Colonel Tony Cabangon Chua, na mas kilala ngayon sa tawag na “Amba” nang maging Ambassador ito sa Laos bago sumakabilang buhay.
Kilala kasing isang pilantropo si Colonel Cabangon-Chua, lalo na sa mga miyembro ng media, pulis at militar, dahilan kaya siya maraming naging mga kaibigan na opisyal sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa Philippine National Police (PNP).
Nakilala ko siya noong panahon na laganap ang paulit-ulit na banta ng mga “coup” laban sa magkakasunod na administrasyon, matapos ang makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution. Mahirap e-detalye ang mga pagpupulong na nakakuwentuhan namin siya – sa coffee shop ng ilang hotel niya sa Metro Manila -- kasama ang mga pulis at militar na tumulong para maibalik ang demokrasiyang tinatamasa natin sa ngayon!
Sa bawat kuwentuhan ay hindi maaaring mawala si “Kuya Boy” ang trusted katiwala o kanang-kamay ni Colonel na siyang nag-aasikaso palagi sa amin kapag umalis na ang aming host.
Siya rin ang madalas na “host” sa mga motel na pag-aari ni Colonel sa Pasig, Sta Mesa, Maynila, at Pasay City na noon ay paboritong “pahingahan” ng mga matitikas na kaibigan kong mamamahayag at kolumnista na sina Koyang Lito, Philip Lustre, Clift Daluz, Val Villanueva, Bobot Fradejas, Non Alquitran, Vic Endriga, Mackoy Villaroman, Dantz Zamora at marami pang iba! Me tama ba ako rito mga katoto?
Para s’yo Edgar Cabangon, sana’y dumami pa ang katulad mong negosyante na handang magsakripisyo para sa mga bayani nating health workers na “frontliners” sa pakikibaka sa COVID-19.
MABUHAY ang mga makabagong bayani sa labang ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.