SA harap ng ekonomikal na epekto ng COVID-19 pandemic sa United States, isinulong ng US Senate, sa pangunguna ng Republicans nitong Lunes ang pagsasabatas ng malaking $1.8-trillion aid bill.
Kabilang sa panukala ang planong direktang pagbibigay ng cash payments sa mga Amerikano. Daang bilyong dolyar ang ipamamahagi sa pamamagitan ng tseke -- $1,200 sa bawat adult para sa maraming pamilya gayundin ang $500 para sa bawat bata. Ang laki ng tseke ay makababawas para sa mga kumikita ng higit $75,000 bawat buwan at pupuno sa mga kumikita ng $99,000. Bibigyan naman ang mas mahihirap na pamilya ng hindi bababa sa $600 kada buwan.
Bahagi rin dito ang $350 billion para sa maliliit na negosyo upang mabawasan ang epekto ng pagkawala ng mga trabaho at bilyon-bilyong pondo para sa mga hospital. Maglalaan din ng $500 billion bilang ayuda sa iba pang negosyo, estado, at mga lokalidad—na lahat ay nasa desisyon ng Treasury Department ng administrasyon.
Maraming democratic senators ang kumuwestiyon hinggil sa panukala, kabilang ang direktang pagbibigay libu-libong dolyar sa mga pamilya, mas malaking halaga sa mga itinuturing na middle-class families at mas maliit na halaga para sa mga mahihirap na pamilya. Ngunit pangunahing kuwestiyon nila ang $500 bilyon para sa malalaking negosyo na ang halaga at kondisyon ay nasa desisyon ng administrasyong Trump.
Pinagbotohan ng US Senate ang panukalang-batas nitong Lunes – 47-47 split. Kailangan ang 60 boto upang maaprubahan ito at maisumite sa
House of Representatives, kung saan kailangan din itong pagbotohan.
Ang ating pamahalaan ay kumilos na rin upang makapagbigay ng ayuda sa mga pamilyang matinding tinamaan ng coronavirus pandemic. Nagdaos ang Kongreso ng isang “virtual” special session nitong Lunes at inaprubahan ang realignment ng P275 billion para sa pondo ng pamahalaan.
Binigyang din si Pangulong Duterte ng awtoridad upang magamit ang
P275 billion, upang maitulong sa mga pinakamatinding nagdurusa mula sa ipinatutupad na quarantine ng pamahalaan upang mahinto ang pagkalat ng COVID-19. Napaulat na plano ng pamahalaan na magbigay ng P8,000 ayuda sa bawat 17.9 milyong pamilya para sa kanilang pangangailangan sa pagkain sa panahon ng enhanced community quarantine.
Naghahangad din ang Senado ng realignment para sa P200 billion appropriated funds para sa dalawang buwan, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Sa nagaganap na coronavirus pandemic, kanya-kanya ang paghahanap ng mga bansa sa mundo ng solusyon para sa problemang dala ng virus. Maaaring iba-iba ang paraan ng tuon at lapit, ngunit lahat ng pagsisikap ay para makatulong sa mga tao at kanilang mga institusyon.
Pinili ng ating mga opisyal sa Pilipinas na ituon ang anumang ayuda para sa pinakamahihirap sa ating bansa. Umaasa na lamang tayo na makararating ito ng mabilis sa kanila, lalo na sa mga nairaraos lamang ang maghapon kahit pa noong wala ang lockdown.