TALAGANG matindi ang bagsik at kamandag ng coronovirus disease 2019 (COVID-19) dahil mahigit na sa 150 bansa ang tinamaan nito. Kabilang dito ang Pilipinas na habang sinusulat ko ito ay may 217 nang kaso, 17 ang namatay at may walo namang gumaling.
Kapag hindi ito naagapan ng pambansang gobyerno at ng Department of Health (DoH), katulong ang iba pang mga ahensiya, sinasabing baka umabot sa 75,000 Pinoy ang tamaan ng Covid-19 sa loob lang ng tatlong buwan.
Nakalatag ngayon sa Pilipinas ang State of Calamity sa loob ng anim na buwan. Idineklara ito ni Pres. Rodrigo Roa Duterte para makatulong sa pagkontrol sa coronavirus na ngayon ay nananalasa sa maraming panig ng bansa.
Sa pamamagitan ng deklarasyong ito, malayang magagamit ng Pangulo ang calamity funds na nagkakahalaga ng P16 bilyon sa ilalim ng 2020 national budget. Magiging malaya rin ang mga lokal na pamahalaan na magamit ang special funds para tulungan ang mga residente.
Dahil sa pananagasa ng COVID-19, muling ibinaba ng Moody’s Investors Service ang gross domestic product (GDP) growth forecast para sa Pilipinas sa 5.4 porsiyento ngayong 2020. Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng wala pang isang buwan na ibinaba ng Moody’s ang GDP growth target ng Pilipinas bunsod ng mabilis na pagkalat ng virus sa buong mundo.
Gayunman, sinabi ng Moody’s na sa kabila ng pagbagsak ng GDP growth forecast, nananatili ang ‘Pinas na pangalawa sa pinakamabilis ang paglusog ng ekonomiya sa buong Southeast Asia kasunod ng Vietnam.
Dahil sa kakapusan ng pasilidad sa mga pagamutan, gumagawa ng paraan ang mga punong ehekutibo ng lokal na pamahalaan upang doon ilagay ang tinamaan ng COVID-19. Naisipan nilang sa mga hotel i-quarantine ang mga nag-positibo sa coronavirus. Kabilang dito ang ilang hotel sa Quezon City, Manila at Pasig City.
Matapos makapag-record ng anim na kaso ng COVID-19 hanggang nitong Marso 19, isinailalim na ngayon ang Bulacan sa lockdown. Sinabi ni Patricia Alvaro ng Bulacan Provincial Health Office, dalawang kaso ang mula sa San Jose del Monte, tig-isa sa Malolos, Guiguinto, Baliuag at San Ildefonso.
Ang pasyente sa San Ildefonso ay namatay samantalang ang lima ay nananatiling nasa ospital. Batay sa ulat, 87 ang nasa ilalim ng tinatawag na Persons Under Investigation (PUI) at 71 naman ang nasa ilalim ng Persons Under Monitoring (PUM).
Balak ko pa namang umuwi sa aming bayan sa Bulacan. Ang inaalala ko lang ay kung papayagan akong magbiyahe lulan ng sasakyan ko mula rito sa Pasig patungo sa San Miguel. Noong hindi pa idinedeklara ni PRRD ang Luzon enhanced community quarantine (ECQ), nakahanda na akong umuwi para dalawin ang mga kamag-anak, kumain doon ng gulay, at mga isdang lukaok, gurami, liwalo. Tatanungin ko rin kung meron pang bunga ng kamatsile.
San Miguel Arkanghel, patron ng San Miguel, Bulacan, tagpasin mo po ang ulo, lason at kamandag ng virus na ito, gaya ng pagtataboy mo kay Lucifer noon, upang muling maging normal ang pamumuhay naming mga Pilipino at ng mga mamamayan ng daigdig.
-Bert de Guzman