SA taped message broadcast nitong nakaraang Biyernes, 1:20 ng umaga, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga local government units (LGU) na hindi sumusunod sa mga hakbangin na ginawa ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para mahinto ang pagkalat ng COVID-19. “Inaatasan ko ang lahat ng LGU na gumagawa nito na sumunod lang sa mga direktiba ng IATF-EID at sa mga inisyu ng Office of the President at tiyakin na ang lahat ng sinasabi ng IATF na dapat sarado ay sarado at ang dapat bukas ay manatiling bukas,” wika ng Pangulo. Ang LGU na binatikos at ipinatigil ang kanyang ginawa ni DILG Sec. Eduardo Año ay ang Pasig City. Dahil naunang sinabi ng Pangulo sa mga Metro Mayor na puwede silang gumawa ng anumang paraan na makagagaan sa buhay ng kanilang mga nasasakupan, pinahintulutan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga tricycle na lumabas at isakay ang mga taong hindi sakop ng quarantine, tulad ng mga health workers o nangangailangan ng tulong medikal. Ipinatigil ito ni Sec. Año dahil hindi maliwasan na ang mga pasahero ng tricycle ay magkadikit-dikit.
May napansin naman ang Pangulo na ang mga truck na may kargamento ay hinaharang sa checkpoint. Ang grupo ng mga magsasaka at magningisda ay nagreklamo kasi dahil ang kanilang mga produkto na dadalhin nila sa Metro Manila ay hinaharang sa police checkpoint. Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, nag-lockdown ang ibang LGU. Kaya tuloy nasabi ng Pangulo: “Gusto kong maging malinaw sa bawat isa. Kapag sinabi ng IATF na huwag pigilan ang mga kahit anong uri ng kargamento, walang LGU na dapat magsabi na sinusunod o pinahihintulutan lang naming papasukin ang pagkain o importanteng produkto. Gumagawa kayo ng sariling panuntunan at ginagawa ninyong mahirap ang quarantine.”
Ang pagsunod o paglabag sa alintuntuning ipinatutupad ay dapat asahan. Para ba kasing narindi na tayo nang kumakalat at bumibiktima na ang sakit. Pinairal kaagad natin ang paraan na ginamit ng ibang bansa na hindi natin pinag-aralan ang mga magiging bunga nito. Nag-lockdown tayo, bahala nang lapatan ng lunas ang ipanganganak nitong mga problema. Nagagawaan na natin ng solusyon ang mga ito. Ibang usapan kung ang mga solusyon ay tatagal. Pero, ang higit na abatan ng gobyerno ay ang problema sa tubig at kuryente. Hindi na puwede rito iyong maiipit ang supply upang ipilit sa mamamayan ang alternatibong remedyo. Kasing halaga kasi ang mga ito ng pagkain. Ang Metro Manila at karatig pook ang matinding tinatamaan kapag natuyo na ang pinanggagalingan ng kanilang tubig. Magiging miserable ang buhay ng mamamayan kapag sila ay walang maiinom at hindi makatulog sa tindi ng init na mararanasan sa panahong ngayon. Kapag nagigib sila ng tubig, hindi maiiwasan na malabag nila ang social distance. Hindi rin maiiwasan na lumabas sila sa kanilang bahay upang makadama ng kahit kaunting lamig. Nasaksihan natin noong nakaraang taon kung paano nagalit ang taumbayan nang wala nang tubig na lumalabas sa kanilang gripo. Wala pang lockdown noon.
-Ric Valmonte