NAGDEKLARA si Pangulong Duterte ng tigil-putukan sa mga Komunistang rebelde sa bansa, epektibo mula noong Marso 19 hanggang Abril 15, 2020. Sakop ang panahong iyon ng lockdown o quarantine na idineklara ng Pangulo sa buong Metro Manila at sa buong Luzon at ang idineklarang state of calamity para sa buong bansa.
Nagdedeklara ang pamahalaan ng unilateral ceasefire tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, na tinutugunan din ng New People’s Army (NPA), Communist Party of the Philippines (CPP), at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ng kanilang sariling unilateral ceasefire. Tila hindi sila magkasundo sa isang common ceasefire.
Ang kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas—tulad sa karamihan ng bansa sa mundo—ay nanawagan ng buong atensiyon para sa krisis pangkalusugan dala ng COVID-19. Isinara na ng pamahalaan ang mga opisina nito, maliban sa tinatawag na skeleton forces. Nanawagan din ito sa mga pribadong negosyo na suspindehin muna ang lahat ng kanilang mga operasyon. Suspendido rin ang lahat ng pampublikong transportasyon.
Layunin nito na mahinto ang pagkalat ng coronavirus na pinaniniwalaang naipapasa ng tao sa tao sa pamamagitan ng droplets na naipapasa sa paghinga ng isang apektadong tao. Sa pamamagitan ng paglimita sa paglalapit ng mga tao, umaasa ang mga awtoridad ng kalusugan na maiiwasan nito na makakalat pa ang virus at makahanap ng bagong biktima.
Maaaring walang direktang kaugnayan ang problema ng virus at ang dekadang rebelyon ng NPA-CPP-NDFP ngunit marahil nais ng Pangulo na makatuon ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP) sa kanilang bagong tungkulin na mamahala sa lockdown.
Gayunman, sinabi nitong Miyerkules ni CPP Founding Chairman at NDF Chief Political Consultant Jose Maria Sison, na hindi tutugon ang samahan sa ceasefire ng pamahalaan, na anila’y insincere. Ang lockdown na kasalukuyang ipinatutupad ng mga pulis at sundalo, ay nangangahulugan ng magpigil sa demokratikong karapatan, paglabag sa karapatang pantao at isa lamang “psywar trick,” aniya.
Magpapatuloy ang lockdown tulad ng nakatakda hanggang Abril 15 at maaari pang palawigin kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Maaasahan, na hindi susunod sa ceasefire ang NPA-CPP-NDFP. Tila malaki ang kawalan ng
tiwala sa pamahalaan.
Gayunman, ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19—na ngayo’y humahantong na sa despirasyon ng maraming bansa—ay isang bagay na nananawagan ng pagtutulungan sa lahat ng sector ng bansa. Ipinatutupad na sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang lockdown o quarantine.
Nagsimula ang pandemic sa China, na tagumpay na mapigilan ito sa pagpapatupad ng lockdown sa buong Hubei province, kung saan sa kapital nitong Wuhan nagsimula ang lahat. Ilang estado na rin sa United States ang nagpatupad ng lockdown.
Dapat na makatulong ang pagpapatupad ng lockdown sa Luzon at sa ilang probinsiya sa Katimugang bahagi ng bansa, upang mahinto ang pagkalat ng COVID-19. Naniniwala ang pamahalaan na makatutulong ang ceasefire sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Umaasa tayong makikita ng NPA-CPP-NDFP na ang sarili nitong pagpapatupad ng unilateral ceasefire ay makatutulong din sa Pilipinas.