NAG-TEXT sa akin ang palabirong kaibigan ng ganito: “Idineklara ng Pangulo ang ECQ (Enhanced Community Quarantine) para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 19 (COVID-19) upang hindi magkasakit o mamatay ang mga Pinoy. Tama naman. May namatay na sa virus na ito. Ilang kababayan na ang pumanaw, pero tiyak namang darami ang mga babies na mabubuo dahil sa ECQ sapagkat laging nakakulong ang mag-asawa, lalo na ang honeymooners, at iyong mga produktibo pa.” Aba naman, may katwiran ka kaibigan. Ito ang kung tawagin ko ay “romantic bonding” sa bahay.
Dahil sa hirap sumakay ngayon sa mga pampublikong sasakyan, dito sa Pasig City ay ipinasiya ni Mayor Vic Sotto na payagan ang mga tricycle na bumiyahe para magsakay ng mga pasaherong kailangan ng bayan, tulad ng health workers, empleyado ng bangko, at iba pang ang serbisyo ay kelangan ng taumbayan. Para raw ito sa humanitarian consideration.
Gayunman, may mga report na kontra sa ginawang ito ni Mayor Vico si DILG Sec. Eduardo Año dahil sa ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ). Delikado raw na magkahawahan ang mga tao kapag pinasakay sa tricycles. Binanggit ni Año ang tinatawag na “social distancing” sapagkat magkatabi ang mga pasahero sa loob ng maliit na espasyo ng tricycles.
Sa aking palagay, higit na may katwiran si Mayor Vico sa puntong ito dahil kung walang health workers (mga doktor, nurse, caregiver) eh sino ang mag-aalaga sa mga maysakit sa mga ospital at klinika. Higit na maraming tao ang mamamatay kapag walang tumitinging doktor at nag-aalagang nurse kumpara sa social distancing na magkakahawahan ang magkatabi sa tricycle.
Marahil, ang dapat ipayo ni Año rito sa halip na kontrahin si Mayor Vico ay sabihan siya na pasakayin sa tricycle ang isa o dalawang pasahero at panatilihin ang tamang agwat sa pagkakaupo upang hindi magkahingahan.
Habang sinusulat ko ito, hindi pa alam kung tuloy ang pagbibiyahe ng tricycles sa Pasig City o itinigil na. Samantala, sa lalawigan kong Bulacan, pinaiirial din ang ECQ o lockdown bunsod ng ilang kaso ng COVID-19 sa ilang bayan dito. Maging ang alkalde raw ng Baliwag ay tinamaan ng “veeroos” na ito, este virus, kung kaya pati mga opisyal at kawani ng bayan ay naka-quarantine ngayon.
Iginigiit ng hepe ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na makakaya pang matamo ng Pilipinas ang 6 posiyentong Gross Domestic Product Growth (GDP) sa kabila ng pananalasa ng Covid-19. Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na hindi dapat paniwalaan na dahil sa virus na ito, mahaharang ang paglusog ng ekonomiya ng ‘Pinas.
Badya ni Diokno sa English: “ The truth is that the economic fundamentals are on our side. Even under the worst possible scenario, the Philippines can still grow this year and in the medium term by about six percent”.
Sana ay totoo ang pahayag na ito ni Diokno at hindi manlupaypay ang kabuhayan at ekonomiya ng minamahal nating Pilipinas at ng ating mga kababayang Pinoy na sagad na sa hirap, subalit nananatiling matatag at nakatayo sa kabila ng krisis na dulot ng mapaminsalang “veeroos”, este virus na ito, na nananalasa sa buong mundo.
-Bert de Guzman