ISANG linggo nang nakatutok ang bansa sa ipinatutupad na lockdown sa Metro Manila at sa buong Luzon. At lumikha na ito ng ilang hindi inaasahang problema na ngayo’y sinusubukan pa ring solusyunan. Karamihan sa mga manggagawa ay unti-unti nang nasasanay sa katotohanang hindi na sila makapagko-commute papasok sa trabaho habang ang mga negosyo at opisina ay kailangang pa ring magpatuloy sa tulong ng limitadong puwersa.
Isa sa mga problemang kinakailangan ng aksiyon ng pamahalaan ay ang balita na maraming tao, na umaasa sa arawang kita upang makaraos sa buong maghapon, ngayon ay walang-wala na at humantong sa panghihingi sa mga nagdadaang ilang mga sasakyan. Karamihan sa mga pamilya ang nagtabi na ng mga pagkain sa kanilang mga tahanan, na sasapat para sa ilang araw o ilang linggo. Ngunit bawat komunidad ay may pamilya na walang-wala. At kailangan nila ang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Ang dahilan ng lockdown o quarantine ay upang mahinto ang paggalaw ng mga tao hangga’t maaari, lalo’t maaaring ilan sa kanila ang posibleng carrier ng coronavirus. Ang mga kinakailangan namang umalis ng kanilang tahanan upang magtrabaho o mag-asikaso ay kinakailangang sumunod sa social distancing – panatiling malayo ng isang metro mula sa isa pang tao. Ito’y dahil pinaniniwalaang ang coronavirus ay maaaring makahawa ng tao sa tao sa pamamagitan ng droplets na naipapasa sa paghinga ng apektadong tao.
Makatutulong ang social distancing upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng virus. Ngunit marami ang naniniwala na mass testing ang kailangan upang matukoy kung sino talaga ang mga positibong sa virus. Mass testing ang ipinatutupad ngayon sa ilang mga bansa tulad ng South Korea. Sa Unites States, naging politikal na isyu na ang kakulangan ng testing kits, kung saan binatikos ni New York City Mayor Bill de Blassio ang national government ni President Trump ng matinding kakulangan ng pangunahing kagamitan upang malabanan ang virus.
Mayroon nang magandang balita mula sa China nitong nakaraang linggo, kung saan nag-umpisa ang unang kaso ng coronavirus noong huling buwan ng nakaraang taon. Nitong Biyernes, wala nang naitalang bagong kaso ang China; mayroon itong 80,967 kaso at 3,248 bilang ng namatay. Habang ang Italy na may 41,035 kaso at 3,405 pagkamatay na lumampas na sa death toll ng China.
Sa ibang bahagi ng Europa, may 17,147 kaso at 767 pagkamatay ang Spain; 10,999 kaso, 24 pagkamatay sa Germany. Habang ang France ay may 10,995 kaso at 372 pagkamatay.
Sa Asya, sa labas ng China, Japan ang may pinakamaraming kaso—na 958, na may 32 namatay; kasunod ng Malaysia, 900 kaso, 2 pagkamatay; Singapore, 345 kaso, walang naitalang pagkamatay; Indonesia, 309 kaso, 25 pagkamatay; Pilipinas, na may 380 kaso, 25 na pagkamatay.
Sa Middle east, Israel ang may pinakamaraming kaso, na 529, kung saan walang naitalang namatay; kasunod ang Qatar, 460 kaso, walang namatay; Turkey, 359 kaso, 4 ang namatay; Iraq, 164 kaso, 12 namatay; United Arab Republic, 113 kaso, walang namatay.
Sa Western Hemisphere, ang US ay may 10,427 kaso, 150 pagkamatay; Canada 736 kaso, 9 na pagkamatay; Brazil, 621 kaso, 7 na namatay; Chile, 342 kaso, walang namatay; Peru, 234 kaso, isang namatay.
Ito ay mga bansa lamang na may pinakamalalaking bilang ng kaso, mula sa 178 bansa, teritoryo at cruise ship sa kabuuan, mula sa isang ulat na inihanda South China Morning Post. .
Ang nagpapatuloy na ulat ng pagkamatay at pagtaas ng kaso sa buong mundo ay makatutulong sa atin ditto sa Pilipinas na maunawaan kung bakit kailangang ipatupad ang lockdown. Hindi man nito tuluyang maihihinto ang pagkalat ng virus, ngunit makatutulong naman ito na malimitahan ang direktang body contact na nagbibigay ng pagkakataon sa virus na patuloy na makakalat sa buong mundo.