DALAWANG taon pa bago ang susunod na halalan, ngunit ang amoy ng lipatan ay nagsisimula na. ‘Di na bagong maituturing ang lipatan ng politikal na partido sa Pilipinas, na naglalarawan sa butas ng sistema ng halalan sa bansa. Mabilis na nakapagpapalit ng partido ang mga politico at tinitingnan nila ang koalisyon bilang isang convenience mechanisms.
Bagamat nakikita ang PDP-Laban bilang partido ng administrasyon, ang mga miyembro nito ay hindi nakalalamang ang bilang sa buong Kongreso. Habang ang Lakas- Christian Muslim Democrats, na pinamumuan ni Rep. Martin Romualdez, ay bumubuo na ngayon ng pundasyon sa pag-akit ng mga bagng miyembro mula sa Kamara na magdaragdag ng lakas sa kabuuan ng samahan.
Setyembre 2018 nang unang inanunsiyo ni minority leader Rep. Danilo Suarez ng Quezon Province ang hakbang, nang ideklara nito na ang Lakas-CMD “will soon regain its lost political dominance after Arroyo stepped down as president in 2010.”
Mahalaga ang pagpapalakas ng samahan sa iba’t ibang dahilan. Una, nasa kabuuang 30 kongresista na ang naglipat-bakod at sumali sa partido ni Romualdez. Ikalawa, nagbigay liwanag sa kinabukasan ng samahan upang maging dominante, ang pagpasok ng dalawang dating pangulo, na kinilala ng Lakas-CMD at Kampi. At ikatlo, ang nagaganap na labanan sa loob ng PDP-Laban ay humikayat ng paglipat sa Lakas- CMD at National Unity Party (NUP).
Dagdag pa sa optimismong binubuo ng Lakas-CMD ay ang nagaganap na gulo sa liderato ng Kamara, na tiyak na magbibigay-lamat sa koalisyon sa Mababang Kapulungan. Ano mang oras ay maaaring maganap ang politikal na kudeta, isang pag-ulit sa una nang naganap na sitwasyon noon, kung saan sangkot ang mga matataas na politico. Kung nangyari ito noon, walang dahilan upang hindi ito maulit.
Ang pag-angat ni Rep. Romualdez bilang bagong “kingmaker” ay maaaring hindi magandang pagbabago para sa mga tao na handang umatake muli sa kanyang pamilya. Pag-aari ng mambabatas mula Leyte ang Manila Standard at Journal Group of Publications, gayunman, ay malayang kumikilos sa labas ng “pagkakakilanlan” bilang konektado sa mga Marcos. Sa katunayan, ang kanyang mapagpakumbaba at mahinahong ugali ay nagbibigay sa kanya ng higit na diplomatikong katangian bilang isang lider at politiko higit sa sinumang nagsasabing sila ang nasa tama.
Higit namang nakapagpapalakas sa koalisyon ng Lakas-CMD at Kampi ay ang dating ni Fidel V. Ramos mula sa military nitong kasaysayan at ang direktang epekto ni Gloria Macapagal-Arroyo sa mga kongresista na ikinokonsidera pa rin siya bilang isang patron at maimpluwensiya.
Sa umpisa, malinaw ang mga bagay para sa partido ni Romualdez sa 2022. Sa kalmado nitong paghawak sa gulo sa liderato ng Kamara noong 2019, ipinakita niya ang sarili bilang isang taong may lalim, isang bagay na ninanais ng marami para sa lider ng Kamara.
-Johnny Dayang