DALAWANG linggo mula ngayon, ay Linggo ng Palaspas o Palm Sunday, ang unang araw ng Holy Week, tradisyunal itong ginugunita sa pagtitipon ng maraming tao na nagwawagayway ng kanilang dalang mga palaspas—gawa sa dahon ng niyog sa Pilipinas—bilang pag-alala sa pagpasok ni Jesus sa Jerusalem.
Hindi ganito ang magiging pagdiriwang ngayon taon, dito sa Pilipinas at maging sa Vatican mismo, o sa Italy, Spain at sa natitirang bahagi ng Europa. Una nang inihayag noong Marso 7 ni Pope Francis, na hindi muna siya matatanaw sa bintana ng simbahan kung saan natatanaw ang buong St. Peter’s Square sa Vatican, upang maiwasan ang pagtitipon ng mga tao.
Sumunod ang lahat ng simbahan sa mundo sa hakbang na ito. Nanatiling bukas ang mga simbahan, ngunit pinayuhan ang mga tao na huwag magtipon-tipon doon hangga’t maaari sa gitna ng panganib ng coronavirus. Europa ang naging episentro ng pandemic, ayon sa World Health Organization, matapos makitaan ng paghupa ng kaso sa China. Italy ang may pinakamaraming kaso sa Europa, na sinusundan ng Spain, France, Germany, habang ngayon naiulat na ang mga bagong kaso sa iba pang bahagi ng Europa, sa Australia, sa North at South America, at sa Asya.
Sinabi ng United States, ang nangungunang ekonomiya sa mundo, na nitong nakaraang linggo lahat ng kanilang 50 estado ay mayroon nang kaso ng COVID-19, kung saan naitala ang una sa West Virginia. Nakapagtala na ang U.S. ng higit 13,000 kaso kasama ng 200 pagkamatay hanggang nitong Miyerkules at ipinagbawal na rin ng kanilang Centers for Disease Control ang pagtitipon ng higit sa sampung tao kasama ng paghikayat sa mga tao na umiwas muna sa mga pampublikong lugar, tulad ng mga parke, gym at restaurant.
Katulad ito ng kautusang inilabas ni Pangulong Duterte para sa mga tao ng Pilipinas, mula sa pagpapatupad ng lockdown o quarantine para sa Metro Manila noong Marso 15, na sinundan ng sumunod na araw sa buong Luzon, at kalaunan ay pagdedeklara ng state of calamity sa buong bansa.
Ang rason ng lahat ng limitasyong ito ay ang impormasyon na ang COVID-19 ay nakahahawa ng tao sa tao sa pamamagitan ng droplets mula sa hininga ng apektadong tao. Mahihinto lamang ang pagkalat nito kung hindi na maipapasa ang virus sa bagong biktima. Ito ang dahilan kung bakit kailangan munang iwasan ang pagdidikit o physical contact at panatilihin ang “social distancing.”
Inaasahang sa naging kautusan ng pangulo na pagsasaka sa lahat ng karamihan ng mga opisina ng gobyerno at mga negosyo, at pagpapahinto sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon, mananatili ang mga tao sa kanilang mga bahay at maiiwasan ang physical contact na nagbibigay ng paraan sa virus upang makahanap ng panibagong biktima.
Gugunitain ng mga Kristiyano ang Mahal na Araw ngayong taon, dahil ito ang sentro ng pananampalataya, ngunit kaisa ang Simbahan ng pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa pagsisikap na mahinto ang pagkalat ng coronavirus. Ipinakita ito ng Santo Papa ng ihinto niya ang pagbibigay ng mensahe mula sa kanyang bintana para sa mga tao na dumadalo sa misa sa St. Peter’s Square at sa halip ay idaan na lamang sa telebisyon ang inilalabas niyang mensahe.
Para sa darating na Mahal na Araw, naglabas ang Simbahan sa pangunguna ni Pope Francis, ng isang mensahe sa mga mananampalataya saan mang bahagi ng mundo: Palakasin ang buhay ispirituwal sa Misa at panalangin, ngunit gawin ito sa mga tahanan.