LAHAT ng mga manggagawa ng mga pribadong kumpanya na ang operasyon ay apektado ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) outbreak ay sakop ng financial assistance ng pamahalaan sa ilalim ng Covid Adjustment Measures Program (CAMP), paglilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Biyernes.
Sa Labor Advisory No. 12, Series of 2020 na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, lahat ng mga mangagawa sa bansa, anuman ang katayuan ay tatanggap ng tulong pinansyal na P5,000.
“Affected workers, regardless of status (i.e. permanent, probationary, or contractual), are those employed In private establishments whose operations are affected due to the Covid-19 pandemic,” ayon sa abiso.
Binigyan din ng direktiba ng DOLE ang mga kumpanya na magsumite ng Establishment Report Form (ERF) kasama ang company payroll para sa buwan ng Pebrero o mas maaga.
Kailangang isumite ang mga dokumentong kailangan sa DOLE regional office (RO) o sa anumang provincial/field offices (PO/FO).
Para sa paglalabas ng financial support, direktang ilalabas ito ng DOLE RO/PO/FO payroll account ng mga empleyado sa pamamagitan ng bank transfer habang sa cash payroll, dapat itong matanggap sa pamamagitan ng money remittance.
Epektibo ang CAMP mula Marso 21.
Una rito, sinabi ng DOLE na aabot sa 250,000 manggagawa ang inaasahang makikinabang sa programa na nilaanan ng P1.3 billion budget.
Dagdag pa rito, ang CAMP, anila, ay isang safety net program na layong masuportahan ang mga apektadong mangagawa sa pribadong mga kumpanya, upang mabawasan ang bigat ng epektong pang-ekonomiya at pagbawas ng kita dahil sa Covid-19 pandemic.
PNA