HABANG nananalasa ang novel Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, lalo na sa Metro Manila, panibagong salot ang bumalik sa Pilipinas. Ito ay ang tinatawag na Bird Flu o Highly Pathogenic Avian Influenze (HPAI) na muling bumalik sa bansa matapos ang dalawang taon na ito ay ganap na nasugpo.

Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang culling o pagkamatay ng may 12,000 pugo sa Nueva Ecija. Dahil dito, dalawang karamdaman ng mga hayop ang sinisikap na sugpuin ngayon ng DA sa ilalim ni Secretary William Dar. Ito ay ang Bird Flu at ang Anima Swine Flever (ASF), na nagresulta sa pagkalugi ng hog raisers o magbababoy ng bilyun-bilyong piso.

Sinabi ni Dar na gumagawa sila ng mga hakbang at solusyon para mapigilan ang Bird Flu na natuklasan sa isang barangay sa Jaen, Nueva Ecija noong nakaraang linggo. Nagsimula raw ito nang tumanggap ng report ang Provincial Veterinary Office ng Nueva Ecija sa dumaraming pagkamatay may 1,500 pugo mula sa 15,000 pugo sa isang farm sa Barangay Ulanin- Pitak, Jaen.

Sa pagsusuri, lumitaw na ang pagkamatay ng mga pugo ay sanhi ng H5N6 subtype ng influenza A virus na lalong kilala bilang avian flu o bird flu. Nagbibiro nga ang isang kaibigan ko kung ang pangalang PUGO ng komedyanteng si Mang Nano ay hango sa pugo. Hindi ko alam.

oOo

Isinailalim ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang buong Luzon sa “enhanced community quarantine” noong Marso 17 hanggang Abril 12,2020. Layunin nito na limitahan ang pagkilos ng mga tao upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Tiniyak ng Pangulo sa mga Pinoy na ang Luzon ay wala sa ilalim ng martial law habang ang buong Luzon ay nasa ilalim ng enhanced community quarantine. Kabilang sa lilimitahan ng quarantine (home quarantine) ang kilos ng mga tao, pero sila ay puwedeng lumabas para bumili ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan.

Tuloy ang suspensiyon ng mga klase, ipagbabawal ang malalaking pagtitipon, suspendido ang mass public transport facilities, tulad ng tren, bus at jeepney. Hihigpitan ang paglalakbay sa lupa, dagat at himpapawid. Maraming apektado sa kautusang ito, partikular sa mga manggagawa na nakatira sa mga probinsiya pero sa Metro Manila nagtatrabaho.

Sinabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na bubuksan nila ang simbahan at paaralan bilang pansamantalang pagamutan para sa mga pasyente ng coronavirus. Sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) News Post, sinabi niya na handa ang kanyang diocese na buksan ang mga simbahan at paaralan sakaling kulangin ang mga pasilidad ng public health.

Naglaan ang Office of the Vice President (OVP) ng P5.6 milyon mula sa pondo nito para sa pagbili ng personal protective equipment (PPE) para sa health workers at iba pang tumutulong sa pagbaka sa coronavrius. Ayon kay VP Leni “Ang pondong ito ay ginamit natin para makabili ng unang batch ng PPE sets, na magagamit ng 1,000 na frontliners sa susunod na 15 araw.”

Mabuti naman at hindi magpapataw ang Land Transportation Office (LTO) ng parusa sa late registration ng mga sasakyan at renewal ng driver’s license habang umiirial ang community quarantine sa Metro Manila. Maraming motorista ang hindi makakilos at makapunta sa mga LTO office dahil sa quarantine.

-Bert de Guzman