NAGKATENSIYON nitong Huwebes sa Benguet mismong sa lugar kung saan pinaiiral ang Luzon-wide lockdown. Naganap ang mainitang sagutan sa pagitan ng mga taong karga ang kanilang mga produkto, karamihan ay gulay at ang mga naatasang pigilan ang labas-pasok sa pamilihan. Ayaw papasukin ang mga taong nais ipasok ang kanilang kargang produkto, kaya nag-init sila at nakipag-away sa mga humaharang sa kanila. Paano nga naman, eh mga gulay ang halos kanilang dala-dala na kung hindi nakararating sa tinatawag nilang bagsakan ay matutuyo lamang ang mga ito. Mga magsasaka ang sangkot sa mainitang gulong nangyari.
Ipinauuna na ng pangyayari sa Benguet ang puwedeng maganap kapag napabayaan ang mga dukha at sila ay nagutom. Angkop din ito sa mga mayayaman. May mga kaibigan kami na ang kanilang negosyo ay restaurant at bazaar na kusang nagsara. Sa halip, nakilahok sila sa grupo ng mga taong nagbibigay at namamahagi ng pagkain sa mga health workers. Anila, ang ginawang remedyo ng gobyerno upang maiwasan o pigilin ang pagkalat ng mabilis na manghawa at nakamamatay na sakit ay nagpaparami ng mga nagugutom. Kapag lumala ang kanilang kalagayan, anila, baka maisipan na nilang salakayin ang kanilang tindahan at kunin ang pwede nilang pantawid-gutom. Hindi malayong mangyari ang kanilang kinatatakutan. Masisi mo bang gawin ito ng mga nagugutom eh self-defense ito.
Totoo, gumagalaw na ang mga lokal na pamahalaan. Pinakikilos na nila ang kanilang mga barangay. Namamahagi na sila ng mga naka-pack na pagkain na sila mismo ang nagbabahay-bahay upang maiwasan ang pag-ipon ng mga taong nangangailangan sa isang luar at mamintina ang social distance sa isa’t isa. Upang makaagwanta sila sa mga kinakailangan, nagdeklara ang iba ng state of calamity para magamit ang kanilang pondong pangkalamidad. Ang mga mayaman at maykaya, tulad ng aming mga kaibigan, ay tinutulungan ang mga health workers sa kanilang pangangailangan, pagkain at pansamantalang tirahan. Pero, sa mga nasa bukana ng larangan na binabaka ang COVID-19 ay nagrereklamo na kinakapos ang kanilang mga tauhan, supply at equipment. Iminumungkahi ng mga grupo ng mga pribadong ospital at mga doktor na gumawa ang gobyerno ng dalawang sentrong lugar na kumpleto ng lahat kinakailangan upang dito dalhin ang hindi na nila kayang paglingkuran.
Pero, ang mga tulong na ibinibigay sa mga mahirap na lalong ginawang miserable ang kanilang kalagayan ng lockdown ay tatagal ba ng isang buwan? Ang mga mambabatas ay puro press-release lamang ang kanilang ipinangreremedyo. Kung kikilos sila ay dapat ngayon na baka lumubha ang kalagayan ng mga dukha at makaisip na sila ng paraan para mabuhay nang may laban. Tulungan natin ang mga dukha kung nais natin ang kapayapaan.
-Ric Valmonte