SA gitna nang pananalasa ng Coronavirus Disease 2019 (COVID19) ay magkakasunod na naglabasan ang mga kumpanya na may “puso” at sinigurado ng mga ito, na hindi kukulo ang tiyan ng kanilang mga manggagawa sa loob ng isang buwan na walang trabaho, dahil sa nakataas na “Luzon wide enhance community quarantine”.
Ang pangunahin kasi na maaaring maging hadlang sa pagtatagumpay nang implementasyon ng “community quarantine” o sa madaling salita para sa akin ay LOCKDOWN, ay ang hindi pagtalima ng mga tao sa kautusang ito – na pinakaepektibong paraan upang matigil ang pagkalat ng COVID-19 – dahil kailangan nilang magtrabaho para kumita at may makain ang kani- kanilang pamilya.
Hindi raw kasi nila kayang mabuhay na hindi kumakain sa loob ng isang buwan gaya nang ipinamamarali ng isang mataas na opisyal sa Malacañang na hindi ko na matandaan kung ano ang pangalan!
Kinakailangan kasing pumirmi ang mga mamamayan sa loob ng kanilang mga bahay sa loob ng isang buwan, upang maiwasan na magkaroon pa ng lilipatan at magpapakalat ang COVID-19. Ang deadly virus na ito ay sinasabi ng mga eksperto na may buhay lamang na 14 na mga araw at tuluyang masusugpo kapag walang magiging “human carrier” na nagkalat sa mga lansangan at establisimento.
Ang alam ko na unang tumugon sa panawagang ito ng ating mga labor leader – sa pangunguna ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na ang tagapagsalita ay ang inaanak kong si Alan Tanjusay, na isa ring dating mamamahayag – ay ang Ayala Group of Companies, sa pamamagitan nang pagpapalabas ng P2.4 bilyon na suporta ng kumpaniya sa mga manggagawa nito sa buong panahon ng LOCKDOWN.
Ang suporta ay kinapapalooban ng pagbibigay ng buong suweldo, bonus, leave conversions, at loan deferments sa panahon ng “Luzon wide enhance community quarantine”.
May siniguradong tulong din para sa mga negosyante na may mga puwesto o stall – libreng renta sa buong panahon ng LOCKDOWN -- sa loob ng mga naglalakihang mall na pag-aari ng mga Ayala.
Ang iba pang kumpaniya na tumugon sa panawagan na ito ng pamahalaan ay ang Aboitiz Group of Companies; Asian Terminal / Solaire Resort Hotel; JG Summit / Gokongwei Group of Companies; Jollibee Group of Companies; Lucio Tan Group of Companies; Manuel Pangilinan Group of Companies; SMC Group of Companies; at SM Group of Companies.
Maging ang ilang malalaking media entities na gaya ng GMA-7, ABS-CBN, Manila Bulletin, Philippine Daily Inquirer ay siniguradong ang kanilang mga tauhan na karamihan ay nasa “frontline” ng problemang ito ay hindi mai-stress sa buong panahon ng 30 days LOCKDOWN sa buong Luzon.
Malaking bagay na ito para sa ikatatagumpay nang pakikibaka ng pamahalaan sa salot na nananalasa, hindi lang dito sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Pero teka muna – paano naman ‘yung kababayan natin na kung tawagin ay pamilya ng mga “isang-kahig, isang tuka”?
Sila yung kagaya ni Mang Romy, ang magtataho sa lugar namin na kailangan na maglako araw-araw, umulan man o bumagyo; si Mang Dante ang paborito kong surbetero; si Koyang Dong na palagi kong kahuntahan na tricycle driver; at marami pang iba na kailangan na lumabas araw-araw upang kumita ng pantawid-gutom ng kanikanilang pamilya.
Sila ang mga kababayan natin na pangunahing nagdurusa sa panahong ito ng LOCKDOWN – sila ang madalas na tinatawag na PASAWAY sa checkpoint na inilatag ng awtoridad sa mga lugar na naka “community quarantine”
Pero sino ba talaga ang tutulong sa kanila? Meron nga ba?
Kung mayroon man, sana naman ‘yung tunay ha -- at hindi pang Press Release lang! Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com
-Dave M. Veridiano, E.E.