PUMALO sa $2.94 billion noong Enero ang remittances mula sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Ito ay 7.3 porsiyentong mas mataas sa naitala noong Enero nang nakaraang taon, ng 2019, na $2.7 billion.
Nagkakahalaga naman ng $2.27 billion ang personal remittances mula sa mga land-based workers. Habang ang mula sa mga sea-based workers ay nasa $600 million. Ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) may kabuuang $2.5 billion ang cash remittances na dumaan sa mga banko, mas mataas ng 6.6 porsiyento mula sa nakaraang taon na $2.48 billion.
Pinakamalaking bahagi ng remittances noong Enero ay nagmula sa United States (U.S), na sinusundan ng Japan, Singapore, Saudi Arabia, United Kingdom, United Arab Emirates, Qatar, Canada, Hong Kong at South Korea.
Ikinatutuwa natin ang napakapositibong ulat na ito ng OFW remittances noong Enero, ngunit dapat tayong maging handa na tanggapin ang hindi mapipigilang pagbagsak ng remittances matapos ang ulat na ito ng Enero. Sa pagsisimula ng paglaganap sa mundo ng coronavirus epidemic, matapos itong humupa sa China.
Sa isang pulong-balitaan sa huling linggo ng Pebrero, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na umaasa ang pamahalaan na ang pandemic ay magkakaroon lamang ng “minimal effect” sa cash remittances ng ating mga OFW. Sa panahong iyon, nasa 20,000 OFW na ang pinayagang makabalik sa kanilang mga trabaho sa Hong Kong at Macau matapos ma-stranded dito dahil sa ipinatupad na travel ban ng Pilipinas.
Nasa 0.1 porsiyento lamang ng OFW remittances ang nagmumula sa Mainland China, Hong Kong, 2.7 porsiyento; at Macau, 0.4porsiyento, ani Nograles. “The Department of Labor and Employment assures us that remittances from other countries like the US, UAE, and Saudi Arabia may help compensate for the possible slowdown in remittances from China, Macau, and Hong Kong,” dagdag pa ng kalihim. “We are encouraged by historical data that shows that Philippine remittances have been resilient in the face of global downtrends.”
Gayunman, sa nakalipas na mga araw, higit pang lumalala ang pagkalat ng coronavirus. Sa U.S., kung saan nagtatrabaho ang karamihan ng ating mga OFW, napaulat ang higit pang paglala ng sitwasyon, maraming governors at mayors ang nagpatupad ng pagsasara ng mga restaurant, bar at mga paaralan. Habang ang isa pang malaking pinagmumulan ng trabaho ng ating mga OFWs, sa Saudi Arabia, ay nagdurusa naman sa pagbagsak ng presyo ng krudong langis.
Malinaw, na kailangang baguhin ng pamahalaan ang kanilang inaasahan mula sa ating mga OFW at kanilang remittances, sa gitna ng mga ulat na ito. Kailangan tayong maging handa sa susunod na ulat ng Banko Sentral para sa ulat sa buwan ng Pebrero at matapos nito.
Ngunit sa ngayon, ikinatutuwa pa rin nating malaman ang ulat ng pagtaas ng OFW remittances noon Enero. Alay ito sa industriya ng ating mga manggagawa, na sa kabila ng kanilang kinahaharap na paghahanap ng trabaho sa sariling bayan, ay kinailangan lisanin ang bansa upang maghanap ng mapagkakakitaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo para sa kanilang mga pamilya, na kaalinsabay, ay nagpapalakas sa reserba ng dolyar.
Tulad ng iba pang bahagi ng bansa, daraan din sila sa matitinding pagsubok sa mga susunod na buwan, ngunit tiwala tayo sa kanilang katatagan at kanilang determinasyon bilang pangunahing bahagi ng economic strength at stability ng bansa.