Dahil grabe ang problemang nararanasan natin ngayon, iisang lahi tayong dapat lumutas. Anumang kahirapan ang pinapasan ng bawat isa dulot ng grabeng problemang ito, hindi dapat maging dahilan ito upang tayo ay magkawatak-watak. Hindi ito ang tamang panahon upang magsisihan at magturuan kung nasaan ang kamalian at kapabayaan kaya lumala ang problema at humantong sa mga hakbang tulad ng quarantine at lockdown. Dahil dito, ikinulong ang kabuuan ng Luzon na ang ipinagbabawal ay hindi lang ang pagpasok at paglabas dito. Maging ang paglabas ng mamamayan sa kanikanilang tahanan, kung wala ring mahalaga at biglang-pangangailangan ay ipinagbabawal na rin. Dahil dito, nagsara na rin ang mga lugar na pwedeng mag-ipun-ipon ang mga tao. Ang tanging bukas ay ang mga tindahang pagkukunan ng mga tao para sa kanilang batayang pangangailangan. Limitado rin ang kanilang mabibili upang maiwasan ang panic buying. Sa mga lugar na ito, napakahaba ang pila dahil minimintina ng mga mamimili ang social distance o isang dipa ang layo sa isa’t isa. Ang lahat ng mga hakbanging ito ay ipinagutos ng mga otoridad upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na mabilis nang manghawa ay nakakamatay pa.
Sa nangyaring krisis, lumalabas ang natural ng tao. Lumalabas ang kabutihan, pagkamalasakit at kakayahan na tumulong sa kanyang kapwa. Dahil sa mga hakbanging ipinatutupad, ang matinding tinatamaan ay mga dukha. Iyong mga isang kahig, isang tuka o ipinauubaya na lang nila sa awa at tulong ng kalikasan para sa kanilang pang arawaraw na ikabubuhay. Ang mga ito ay ang mga gumagala at humahanap ng lugar na kanilang pagkukunan, na hindi nila magawa ngayon dahil nga sa lockdown. Ang mga ito ngayon ang nakakakuha ng espesyal na pagkalinga ng mga naiulat na ilang pinuno ng mga pamahalaang lokal. Makikita natin na malaki ang pagkakaiba ng mga pinunong walang pamilya. Palibhasa mga binata, inaako at ipinadadama nila na ang kanilang nasasakupan ay kanilang pamilya.
Sa Pasig, nang hulihin at tiketan ang mga tricycle driver dahil hinayaan sila ni Mayor Vico Sotto na pumasada upang makadelehensiya ng kanilang makakain, ang alkalde ang nagpaluwal ng multang kanilang binayaran. Tatlong binata ang nagtulong-tulong na iayos ang mga pagkain at pangunahing pangangailangan ng mga taga Valenzuela. Sila ay ang magkakapatid na sina Sen. Win, Mayor Rex at Cong. Wes. Noong unang araw ng lockdown, alas 2:00 ng madaling araw ay nagtungo si Mayor Rex sa boundary ng Valenzuela at Meycauayan, dahil hinarang ng mga sundalo ang mga trak na nakadestinong gumarahe sa Valenzuela at ipinakiusap niya na papasukin ang mga ito. Na siya ring iniutos ni Pangulong Duterte nang dalawin niya ang lugar upang malaman ang paraan ng pagpapairal ng lockdown. Ang mga uri nina Sotto, at mga Gatchalian ay hindi mga traditional politician.
-Ric Valmonte