SA Cebu may kasabihan patungkol sa COVID-19, “Naghahanda tayo ng pananghalian, aba’y alas-tres na ng hapon.” Ibig sabihin, kung ayaw natin malipasan ng gutom, kailangan alas-diyes pa ng umaga, nakakasa na lahat ng mga lulutuin, rekado, pati gamit sa kusina. Disyembre pa ng 2019, nagpatupad na ang Taiwan ng paniniktik sa mga pasahero ng eroplano, at kapag kaduda-duda o may alinlangan ang mga kinauukulan, pinagbabawalan nila makapasok ito sa kanilang teritoryo. Walang natatalo kung lagi tayong nakahanda. Hindi baleng magkamali na mauna, kesa mahuli at madisgrasya.
Ang naging pananaw at unang tugon ng mga awtoridad sa COVID-19 ay tila payak na suliranin lang sa kalusugan. Kaya sa mga pagdinig sa Kongreso at pagpupulong sa iba pang ahensya ng pamahalaan, DOH ang siyang inatasang mamuno sa pagpapaliwanag. ‘Di ba nga may pagkakataon pa, na DOH ang sinisi sa ilang nasipat na mga kakulangan. Sa kasalukuyan, tatlo, minsan apat na mukha ang pinapaharap sa publiko, ang DOH, DTI, DILG, at noong nagdaang linggo, MMDA. Nauunawaan ko, na ang nasabing mga kagawaran at ahensya ang naturong tumugon sa lumalawak na problema ng sakuna. Subali’t pasintabi lang, ang lalim at lawak ng nagsanga-sangang suliranin ng COVID-19 sa mundo at sa ‘Pinas umangat na sa antas na isang seryosong krisis!
Hamon ito hindi lamang sa kalusugan, sa ekonomiya, sa lokal na pamamahala, ng Metro Manila, bagkus banta sa “national security” (pambansang katiwasayan). Ano ba ang magagawa ng Inter-Agency Group o ano pang Task Force? Una ko nang minungkahi ang pagpapatawag sa National Security Council. Kasama rito ang mga dating pangulo, Senate President, at iba pa. O kahit magtayo ng National Crisis Council, na ang uupong chairman ay kalihim ng National Defense. Mahalagang atasin ng grupo ang hanapan ng paraan o diskarte ang bawa’t posibleng pangyayari dahil sa COVID-19, bago pa maganap. Panghinaharap na mga hakbang at pormula para sa katatagan ng pampublikong kalusugan, ekonomiya, seguridad edukasyon, kalakalan, pamumuhunan, labor, pamahalaan, at mga panukala at pondo na kakailanganin sa susunod na 6 na buwan hanggang 1 taon?
-Erik Espina