AABOT daw sa 75,000 Pinoy ang maaapektuhan ng COVID-19 sa loob ng limang buwan kapag nabigo ang pagsisikap na sawatain ang virus na ito. Binanggit ni DILG Sec. Eduardo Año ang pag-aaral ng World Health Organization na ang isang tao na may virus ay posibleng makahawa ng 100 tao kung hindi magagamot. Sabi ni Ano: “Kapag hindi tayo gumawa ng drastic actions, sa loob lang ng limang buwan, may 75,000 ang tatamaan ng virus”. Ayon sa Department of Health halos 200 tao na ang infected ng virus at meron na ring namatay. Binanggit niya ang kaso ng Italy na isinailalim sa pambansang lockdown nang bigla ang pagkalat ng COVID-19. Umapela si Año sa mga taga-Metro Manila na sumunod sa awtoridad sa implementasyon ng 30-araw na community quarantine. Inilagay ang NCR sa isang buwang quarantine mula noong Linggo. May 79 security checkpoints ang itinalaga sa mga hanggahan na nag-uugnay sa Metro Manila sa mga probinsiya ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan. Nakiusap si Año sa mga residente na walang importanteng lakad o aktibidad na manatili na lang sa bahay. Samantala, humihiling ang Department of Labor and Employment ng P28 bilyon para pondohan ang implementasyon ng mga programa para sa mga manggagawa na apektado ng COVID-19. Ayon kay Sec. Silvestre Bello, humingi siya ng P1.5 bilyon upang ayudahan ang mga OFW na apektado ang trabaho, at P1.3 bilyon sa implementasyon ng assistance programs para sa formal at informal workers na apektado ng virus. Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na si Pres Rodrigo Roa pa rin ang may final say sa panukalang Metro Manila curfew. Habang sinusulat ko ito, wala pang desisyon ang Pangulo sa MM curfew na nais ipatupad ng MM mayors. Sa gitna ng mga problema at krisis na dala ng COVID-19, ang tangi nating magagawa ay manalangin sa Diyos na iligtas ang may 106 milyong Pilipino na labis na ang paghihirap. Diyos ko, tulungan mo po ako.
-Bert de Guzman