KAHIT buhay o kamatayan ng buong bansa ang nakataya sa isyung COVID-19, hindi pa rin nakuha ng administrasyong Duterte ang pakikiisa o pagsang-ayon ng lahat ng mamamayan sa ginawa niya remedyo upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito. Kasi, ang isinaalangalang lang nito ay ang ibabaw ng problema nang mag-atas ito ng community quarantine. Dahil nakamamatay ang sakit at mabilis kumalat ito, ang remedyong kanya lamang nakita na nakita niya sa ibang bansa, ay ang ipagbawal ang paglalakbay sa loob at labas ng Metro Manila. Trinato niyang napakasimple ang problema, na kung wawariin mo sa mga ipinatutupad nang mga hakbang sa layuning makulong at maging malinis sa virus ang Metro Manila, ay peace and order lamang ito. Ganito rin niya trinato ang problema ng droga. Dahil trinato itong problema na hiwalay at independent sa social, economic at health problems, naging pili ang mga biktima ng solusyong ginamit. Sa short-cut na pamamaraan, pumatay ang war on drugs ng mga napakaraming tao at ang mga nabiktima ay halos mga dukha. Ganoon pa man, matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte, walang linaw ang kahihinatnan ng pagpapairal niya ng mapamuksang buhay na war on drugs.
Ganito rin ang kasasapitan ng community quarantine na sa buod ay lock down. Parang ito ay hakbang na ginawa na walang partisipasyon ang lahat ng maapektuhan. Alam kong kasama rito ang Department of Health dahil siya ang pangunahing ahensiyang sangkot sa isyu ng kalusugan. Pero, kasama ba rito ang Department of Education, ang Anti-Poverty Commission, Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensiya ng gobyerno at mga pribadong kompanya na nakahanda nang tumulong hindi lamang sa pagbaka ng sakit kundi sa pagbigay ng ginhawa sa mga maaapektuhan. Halimbawa, sa mga mag-aaral na pati ang kanilang paaralan ay nakasara, may mga paraan ba silang gagawin para magampanan ang kanilang tungkulin at maibigay sa kanilang tinuturuan ang dapat nilang gawin at malaman sa panahon na wala silang pasok. May hakbang bang gagawin ang Anti-Poverty Commission upang maremedyuhan ang mga dukhang nawalan ng pagkakataon para mangahig at may matutuka sa pang-araw-araw nilang buhay. Matinding tinamaan ang sektor na ito. Ang mga maykaya o kahit paano ay nakaririwasa, ay nagpapanic-buying na, ang mga dukha nagpapanic lang na dahil bukod sa wala silang pambili, wala silang paraan para kumita at may ipambili.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi totoo na mawawalan ng pagkakakitaan ang mga dukha dahil sa lockdown. Aniya, “Hindi totoo iyan. Walang namamatay sa gutom. Matatapos ang isang buwan at walang mamatay.” Maaaring totoo ito, pero ang hindi totoo ay malulunasan ng lockdown ang pagkalat ng sakit. Lalong kakalat ito, dahil ang wala nang makain ay mawawalan ng resistensiya para labanan ito at ang tanging magagawa ng gobyerno ay i-quarantine sila. Lolobo lang ang mga manghahawa at magkakalat ng sakit.
-Ric Valmonte