IDINERKLARA na ng World Health Organization (WHO) ang 2019 novel coronavirus disease (Covid-19) bilang isang “pandemic” na laganap sa maraming lugar at bansa. Gayunman, sinabi ng WHO na maaari itong labanan o masugpo sa pamamagitan ng tamang mga aksiyon at hakbang.
Tinanong ako ng kaibigang Senior jogger kung ano ang ibig sabihin ng “pandemic”. Hindi ko na siya sinagot basta pinayuhan ko na lang siyang mag-ingat at mag-ehersisyo at mag-jogging araw-araw upang hindi siya “ma-pandemic” ng corona virus.
Dahil sa pakikisalamuha ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa mga indibiduwal na maaaring nahawahan ng Covid-19 sa mga okasyon, ipinasiya ng Pangulo na sumailalim sa eksaminasyon noong Huwebes sa Bahay Pagbabago sa Malacanang. Kasama niyang nagpa-testing si Sen. Bong Go, ang matapat niyang alyado at kung minsan ay tagapagsalita rin.
Maganda ang ginawang ito nina PRRD at Sen. Go. May mga miyembro ng Gabinete ang nagsagawa naman ng self-quarantine. Sila ay lantad sa posibleng pagkakahawa sa virus sapagkat may mga taong nakakasalamuha nila sa mga pagpupulong. Ang mga cabinet member naman ay nakakasalamuha ni PDu30 sa pulong sa Malacañang kung kaya nais tiyakin na hindi siya nahawahan.
Dahil sa bagsik at mabilis na paglaganap ng COVID-19 sa maraming panig ng mundo (4,200 ang patay at 118,000 ang infected), ipinasiya ng gobyernong Pilipino na isailalim ang Metro Manila sa isang buwang “community quarantine.” Nagsimula ito noong Marso 15 at tatagal nang hanggang Abril 12. Nagpulong ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease at ipinasiyang magpatupad ng mga hakbangin para mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Kabilang dito ang pagbabawal sa malalaking pagtitipon, pagpapalawig sa suspensiyon ng mga klase, at pagpapataw sa tinatawag na “localized community quarantine” sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mano Digong, kailangang gawin ito para maprotektahan ang mga tao sa karamdaman. “Hindi ito martial law. Hindi rin ito extraordinary. Walang ibang dahilan kundi labanan ang virus kung kaya dapat nating sundin ito” sabi ng Pangulo sa miting sa Palasyo noong gabi ng Huwebes.
Habang sinusulat ko ito, tatlo pang tao na tinamaan ng Covid-19 ang namatay. Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 12 ang namatay na indibiduwal na mga biktima ng virus sa bansa. May 140 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Kumpara sa ibang mga bansa. higit na kakaunti ang mga biktima ng virus na ito, pero dapat na mag-ingat ang ating mga kababayan sa sakit na itong hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot o bakuna. Maging malinis tayo, ugaliing maghugas ng mga kamay, iwasan ang maraming tao, magtakip ng bibig kapag umuubo o bumabahing, mag-ehersisyo at sundin ang mga payo ng DOH.
-Bert de Guzman