IPINAGTANGGOL ng mga obispong Katoliko si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa birada ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na siya ay tinanggal bilang Arsobispo ng Maynila dahil sa pamumulitika kung kaya siya hinirang ni Pope Francis sa isang posisyon sa Vatican.
Itinuring ng mga obispo ang mga alegasyon ni Mano Digong laban kay Tagle bilang “foolish.” Sinabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na mali ang paratang ng ating Pangulo na tinanggal si Cardinal Tagle sa Archdiocese of Manila dahil sa pakikialam sa pulitika. Nagalit umano ang Santo Papa sa kanya.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni David na ito ay “Unbelievably ludicrous.” Ipinagtanggol din ni Bataan Bishop Ruperto Santos si Tagle sa “mga kasinungalingan” ni PRRD hinggil sa pagkakahirang sa kanya bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican.
“Lahat ay kasinungalingan, pagbaluktot sa katotohanan. Hindi nila alam ang kanilang sinasabi, at walang maliwanag na larawan sa bawat bagay.” Ayon kay Santos, ang appointment o pagkakahirang kay Tagle ay maituturing na “grace from God, a gift and blessing to the Philippines.”
Una rito, sinabi ni PDu30 na tinanggal ng Papa si Tagle bilang Manila archbishop dahil siya ay nag-aambag o nagbibigay umano ng pondo sa oposisyon. Hindi naman nabanggit kung saan nakuha ng Pangulo ang gayong impormasyon.
Ayon kay Santos, si Tagle ay “dedicated, devoted and his fidelity to Jesus and to the Church is solid and untainted.” Sinabi niyang nakatakdang humirang si Pope Francis ng kapalit ni Tagle bilang Arsobispo ng Maynila. Hinirang ni Lolo Kiko si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo bilang apostolic administrator sa Archdiocese of Manila ilang linggo matapos lumipad si Tagle sa Rome para sa bagong assignment.
Para naman kay Pabillo, wala siyang makitang dahilan para pansinin ang “unfounded accusations” ng Pangulo laban kay Tagle. Malimit tirahin ng ating Pangulo ang Simbahang Katoliko at ang mga obispo at pari bilang mga ipokrito. Hindi siya naniniwala sa Diyos na pinaniniwalaan ng mga Katoliko.
Mayor na ay Colonel pa. Siya ay si Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni PRRD, na pumasa sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments bilang Colonel sa Philippine Army Reserve Force. Kasama niyang na-promote bilang Army Colonel si Davao City Rep. Isidro Ungab, dating chairman ng House committee on appropriations, na sinipa ni Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa hindi pagkakaunawaan. Gupit-lalaki si Inday Sara nang humarap sa mga miyembro ng CA.
Maraming matataas na opisyal ng gobyerno ang piniling sumailalim sa COVID-19 quarantine process upang matiyak na hindi sila nahawahan ng bagong sakit na ito. Nag-self-quarantine sila. Kabilang sa kanila sina PRRD, Sen. Bong Go, Sen. Sherwin Gatchalian, Finance Sec. Carlos Dominguez, Transportation Sec. Arthur Tugade at Manila Mayor Isko Moreno.
-Bert de Guzman