SA kabila ng malaking pangamba ng ilang sektor, kabilang ang ilang senador, hinggil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), idineklara ni Pangulong Duterte nitong Martes ng gabi na magpapatuloy ito. Malinis ang POGO at kailangan natin ang kita na nakukuha ng pamahalaan—nasa P2 bilyon sa isang buwan, aniya.
Bago pa simulan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang pagbibigay ng lisensiya sa online gaming noong 2016, karamihan sa mga ito ay ilegal ang operasyon. Ang mga legal, na mula ang lisensiya sa Economic Zone Authorities, ay nakapag-remit na ng P56 milyon sa isang taon sa pamahalaan. Sa pagpasok sa regulasyon ng Pagcor, tuloy-tuloy na tumaas ang operasyon ng POGO sa nakalipas na taon hanggang sa naabot nito ang P5.73 bilyon noong 2019.
Magkano man ang kinikita ng Pagcor mula sa POGOs at sa iba pang gaming operations tulad ng mga casinos, nagbabayad ito ng 5 porsiyento sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bilang franchise tax, 50 porsiyento sa National Treasury, 5 porsiyento sa Philippine Sports Commission, corporate income tax sa ilalim ng Internal Revenue Code, at isang porsiyento ng net income sa Board of Claims na tumutulong naman sa mga biktima ng maling detensyon.
Bahagi rin ng kita ng Pagcor ang napupunta sa Office of the Presidente’s Social Fund para sa mga sibikong proyekto nito. At sa ilalim ng Divident Law, 50 porsiyento ng kita nito mula sa dibidendo ng cash, stock, o property ang napupunta sa pamahalaan. Nasa kabuuang P8 bilyon ito noong 2019, kung saan ang P2 bilyon ay napaulat na inilaan para labanan ang COVID-19.
Maaaring ito ang nasa isip ni Pangulong Duterte nang sabihin niya na kailangan ng pamahalaan ang kita ng Pagcor na nakolekta mula sa mga offshore gaming operations.
Nariyan din naman ang trabaho na iniaalok mula sa mga operasyon na naibibigay sa 29,417 Pilipino—25 porsiyento mula sa kabuuang POGO employees—dagdag pa ang auxiliary services tulad ng restaurant, housing providers, janitorial at iba pang maintenance services. Ang mga empleyadong ito ay nagbabayad ng personal income tax na tinatayang nasa P1.5 bilyon kada buwan.
Sa ginanap kamakailan na pagdinig ng Senado, lumutang ang kuwestiyon hinggil sa “pastillas” na suhol na ibinabayad sa mga kawani ng immigration para sa mga dumarating na POGO workers, para sa umano’y prostitution rings na inoorganisa para sa mga dayuhang manggagawa, pagtaas ng kriminalidad, maging ang pagpasok ng mga espiya. Lahat ng ito ay problema ng law enforcement, binigyang-diin ng mga opisyal ng Pagcor, problema ng iba’t ibang partikular na ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Bureau of Immigration at ang Philippine National Police.
Idineklara na ni Pangulong Duterte na magpapatuloy ang operasyon ng POGO, at isa sa mga rason ang bilyon-bilyong kinikita ng pamahalaan, na kailangan umano para sa healthcare, anti-poverty, at iba pang programa. Kung may mga paglabag man sa batas—tulad ng prostitusyon, ilegal na pagpasok, pandarambong, pag-espiya, at iba pang krimen—ang mga iyon ay problema na ng law enforcement na kailangang paalalahanan na gawin ang kanilang tungkulin.
At ang mga posibleng problemang ito ay hindi natural sa off-shore gaming; ang mga sangkot umano ay sinasamantala lamang ang ating programang panturismo para sa kanilang operasyon.