DAHIL sa kalituhan at pagkataranta na dulot ng makamandag na Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), lalo na nang mapabalitang magdedeklara ang pamahalaan ng “lockdown” sa buong Metro Manila nito lamang nakaraang Miyerkules, sino ang mag-aakala na sa gitna ng nagsulputang makasarili nating mga kababayan (hoarders), ay may namukod tanging pamilya na lumabas sa madilim na kalsada upang tulungan ang isang motorista na senior citizen na nasiraan ng kotse sa harapan ng kanilang bahay sa Quezon City.
Ang nasiraan ng sasakyan ay walang iba kundi ako, na noon ay nagmamadaling makauwi at tinatahakang medyo may kadilimang bahagi ng Malakas Street. Galing ako sa pakikipaghuntahan sa ilang kaibigan na operatiba ng pulis at militar, upang maging updated hinggil sa “security situation” sa ating bansa, lalo na sa Metro Manila.
At ang tumulong naman sa akin ay ang pamilya Salvacion – ang tatay na si Wen at ang mga teenager na anak at pamangkin nito – na kaya ko lamang nalaman ang buong pangalan ay nang bumalik ako sa lugar kinabukasan upang ipagtanong kung sino ‘yung pamilyang pinagkakautangan ko ng loob.
Sa katarantahan ko kasi noong gabi at sa labis na stress, ay ‘di ko na naitanong kung sinu-sino ang mga ito na tumulong sa akin.
Sa bahagyang pag-iimbestiga ko sa lugar, napag-alaman ko na ang padre de pamilya pala na tumulong sa akin ay isang empleyado sa ‘di kalayuang tanggapan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at may-ari ng water refilling station sa naturang lugar.
Tinangka ko pa nga na mag-abot ng konting pampakunsuwelo, lalo na para sa mga bata, na hindi naman tinanggap ng mga ito, at sa halip ay sinabihan ako ng tatay, na medyo nga ikinahiya ko pa, ng ganito: “Kusa po ang pagtulong namin ng mga bata sa inyo, ‘di po kami naghahangad ng anumang kapalit. Ingat po sa pagmamaneho at medyo may problema na rin ang ipinalit nating reserba ng gulong ninyo.”
Wala akong ganting masabi sa tinuran ni Wen kundi: “Nasisiguro kong lalaking mabuting mamamayan ang mga batang kasama mo sa magandang halimbawa na ipinakikita mo sa kanila.”
Ramdam na ramdam ko kasi ang pagtulong ng mga ito sa akin. Wala pala akong kasangkapan na dala sa kotse para magpalit ng reserba sa aking na flat na gulong, kaya todo ang pagka-stress ko ng mga oras na iyon.
Ang pamilya Salvacion pa nga ang nagdala ng mga kasangkapan, at sila pa rin mismo ang nagtanggal at nagpalit ng gulong– at habang pinagmamasdan ko ang pamilya sa kanilang ginagawa ay kitang-kita ko ang katuwaan sa kanilang mga mukha habang tulung-tulong sa pagtatrabaho.
Ilang minuto lang ay tapos ang aking problema – sa tulong siyempre ng pamilya Salvacion, at ang tangi kong ibinigay na tinanggap naman ni Wen ay ang aking calling card, para sakaling kung ako naman ang may maitutulong sa kanya ay binilinan ko siyang tawagan lang ako.
Yun lang ‘di ko pala naitanong man lang ang kanilang mga pangalan kahit na di ako magkandatuto sa pagpapasalamat sa pamilyang ito!
Kaya’t kinabukasan ay pasimple akong bumalik sa lugar at nagtanung-tanong at dito ko nakuha ang mga detalyeng laman ngayon ng kolum kong ito, bilang pasasalamat ko na rin kay Koyang Wen Salvacion at kanyang pamilya. Nawa’y lumaki pa ang iyong angkan!
Hanga talaga ako saempleyadongito ng NICA na pinamumunuan ni Dir Gen Alex Paul I. Monteagudo, isang retirado at respetado ring dating opisyal ng Philippine National Police (PNP). Siyempre pa – “Kung ano ang puno ay siya ring bunga!”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.