INAPRUBAHAN ni Pangulong Duterte ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectiouus Diseases (DATF-EID) upang itaas ang COVID-19 alert sa code red sub-level 2. Kaya, nitong nakaraang Huwebes, isinailalim niya ang Metro Manila sa community quarantine. Anumang paglalakbay papasok o papalabas ng Metro Manila ay kanyang ipinagbawal. “Para sa Maynila, ayaw naming gamitin ang lockdown.” Nais lamang namin, aniya, na maiwasan ang pagkalat ng corona virus na siyang sanhi ng grabeng sakit sa baga. Inihayag ng Department of Health nitong Biyernes na 64 ang mga taong maysakit na COVID-19, 42 ang nasa Metro Manila kabilang ang limang namatay na.
Ang problema, nang aprubahan ng Pangulo ang resolusyong ng IATF-EID, dagli niyang inilagay ang Metro Manila sa community quarantine. Tulad ng kanyang tinuran lockdown ito, kahit ayaw niyang gamitin ang salitang ito. Kaya, kapag pinairal ang pamamaraang ito mula Marso 15 hanggang Abril 14, animo’y ihihiwalay ang Metro Manila sa mga ibang bahagi ng bansa. Kasi, parang isasara na ang Metro Manila. Hindi na makapapasok at makalalabas dito. Ayon kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, mga manggagawa na nasa labas ng Metro Manila, pero naririto ang kanilang trabaho, makapapasok lamang sila kung may maipiprisinta silang identification card o anumang dokumento na inisyu ng kanilang pinatatrabahuan. Ayon din kay Lopez, iinspeksyunin ang mga truck drivers at helpers, at iba pang behikulong nagdedeliber ng mga produkto sa loob ng Metro Manila.
Sa araw, lumulubo ang population ng Metro Manila mula 12.5 million hanggang halos 16 million dahil ang mga nakatira sa mga karatig bayan tulad ng Laguna, Cavite, Batangas Rizal at Tarlac, ay dito namamasukan. Samantalang ang iba naman, o halos karamihan sa kanila, ay nakakakuha ng kanilang pang araw-araw na pantawid gutom sa tinatawag na underground economy. Makikita mo sila na nasa gilid ng mga kalye, nagtitinda ng kung anu-ano na lamang para kumita. Ang tatlumpung araw na itatagal ng lockdown na siyang magkakait sa kanila ng pagkakataon para makapaghanapbuhay ay para na rin silang inilagay sa panganib para kapitan ng COVID-19. Mawawalan ng kahit paano ng resistensiya ang kanilang mga katawan para labanan ang sakit dahil wala na silang makain.
Sa tuwing maglalapat tayo ng remedyo sa problema, mga dukha lagi ang tinatamaan. Mga dukha ang naging biktima nang na reremedyuhan natin ang problema ng droga. Halos lahat ng mga napatay ay mga mahihirap. Ngayon naman, sa pagnanais nating masawata ang pagkalat ng grabeng sakit, nilulunasan natin ito sa pagkakait sa mamamayan ang bahagi ng bansa. Naririto ang mga dukha dahil dito sila maluwag na makapaghanapbuhay. Sa kanila, ang lockdown at COVID-19 ay pareho ang epekto sa kanila. Higit na may laban pa sila sa COVID-19 kaysa lockdown.
-Ric Valmonte