“HINDI ko alam kung bakit nangyari ito sa akin. Ngayon ko lang naranasan ang shootout. Ang tangi ko lang nais ay makilala ang dalawang gunmen. Ang susunod na magaganap ay ipauubaya ko nang lahat sa Diyos,” wika ni actress Kim Chiu pagkatapos siyang makaligtas sa pamamaril sa Quezon City noong nakaraang Miyerkules.
Siya at ang kanyang driver at personal assistant ay hindi nasaktan. Nangyari ang pananambang sa actress habang patungo siya sa ABS-CBN upang magtaping para sa kanyang kasalukuyang pangaraw-araw na teleserye. Kahit sino, hindi lamang ang actress, ang nagulat at nagtaka kung bakit kailangang maranasan niya ang nakakatakot na insidente. Ang maaaring dahilan o motibo ng mga salarin ay may matinding galit sa kanya o sa kanyang malapit na kamag-anak. O kaya, nais nilang maghasik ng takot sa mga kagaya niyang mga artista, lalo na iyong mga matapang na ilabas ang kanilang saloobin. Maaaring noong panahong iyon nang tambangan siya, siya lamang ang madaling gawan nito para maihayag nila ang kanilang mensahe.
Hindi dapat ipagtaka o ikagulat ang nangyari sa aktres. Kahit sino ay pwede maging biktima sa panahon ngayon. Hindi na namimili ng lugar. Ang lugar sa akala mo ay ligtas ka na ay pwede kang madale. Tignan ninyo ang nangyari kay Albuera, Leyte, Mayor Espinosa. Nakakulong na at tinatanuran pa, nagawa pang mapatay sa loob ng kanyang selda. Ang alkalde ng Ozamiz, sa kanyang tahanan naman kasama pa ang kanyang mga bodyguard nang siya ay ratratin. Noong gabi ng Pebrero 28 ng taong ito, sa Nueva Ecija, isang kilalang practicing lawyer ang pinasok sa loob nga kanyang opisina ng isang gunman. Sa harap ng kanyang mga kliyente, siya ay pinagbabaril. Nauna rito, noong Pebrero 19, ang suspendidong abogado ng Bureau of Corrections na si Fredric Santos ay binaril ng dalawang salarin habang nasa loob ng kanyang kotse at hinihintay lumabas ang kanyang anak sa eskwelahan sa Muntinlupa City. Sina Dalangin at Santos ay ang pang 47 at 48 abogadong pinaslang mula nang manungkulan ang administrasyong Duterte noong 2016. Walang napanagot sa mga nangyaring pagpatay na ito. Nito lang Martes ng umaga, inatake ng mga armadong lalake sakay ng motorsiklo si Police Major Jeffrey Dalson, nakatalaga sa opisina ni PNP Chief, habang siya ay nakaparada sa harap ng isang talyer sa East Rembo, Makati.
Ano ang maaasahan natin na magaganap sa ilalim ng administrasyong ito na sinimulan ang panunungkulang sa paggamit ng karahasan? Kung nagsimula itong pumatay ng mga dukhang gumagamit at nagbebenta ng droga, iba’t ibang klaseng tao na ang sumunod na naging biktima. Pero, halos pare-pareho ang pamamaraan ng pagpaslang, pagtambang ng mga nakamortosiklo. Ganito ang naranasan ni Kim Chiu. Bagamat hindi naman dapat ipagtaka o ikagulat ang nangyari sa kanya, napakalaki ng dahilan para magingat ang mga kapwa niya artista. Nahanay na sila sa mga tinatarget. Baka ma-Kim Chiu sila.
-Ric Valmonte