“Sinabi niya sa akin kahapon na ang pinuno ng Pagcor ay nagsumite sa kanya ng magandang ulat, kaya okay. Kailangan natin talaga ang pondo mula sa operasyon ng mga ito,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa panayam sa kanya sa DZIQ nitong Linggo. Ang tinutukoy niya ay ang reaksyon ni Pangulong Duterte hinggil sa panawagan na ipasara na ang mga POGO o pansamantalang suspendehin ang mga operasyon nito sa bansa dahil sa idinudulot nilang mga nakababahalang problema sa bansa. Dahil mga dito, nagsagawa ng pagdinig ang Senado sa pamamagitan ng mga komite nina Sen. Risa Hontiveros at Richard Gordon. Lumabas sa kanilang imbestigasyon na libu-libo nang mga Intsik ang nakapasok sa bansa dahil sa pagsuhol sa mga sindikatong sangkot ang mga Intsik at Pilipino. May grupong ibinubugaw ang mga babaeng Intsik sa mga kapwa Chinese na nagtatrabaho sa POGO. Milyung-milyong yuans (pera ng China) ang kanilang ilegal na ipinapasok sa bansa na ginagmit sa mga kahinahinalang gawain kabilang ang human at drug trafficking. May mga Intsik na sangkot sa patayan ay nagtataglay ng identification card ng China’s People’s Liberation Army (PLA).

Anupa’t ang mga POGO ay pinakasentro ng operasyon ng mga Intsik sa bansa, na batay sa mga ebedensiyang nakalap ng mga Senador, ay ilegal at nakababahala. Higit sa lahat, nalalagay sa panganib ang seguridad ng bansa dahil ang mga miyembro ng ng PLA ay nakapasok na sa bansa sa pagpapanggap nilang manggagawa ng POGO. Sa pagtatanggol niya sa naging pasiya ng Pangulo na manatili ang mga POGO, sinabi niyana hindi masama ang mga ito. Ang masama, aniya, ang nagooperate ng mga ito, kaya sila ang patigilin natin at ihabla. Ang problema nga ay hindi sila magalaw ng mga otoridad natin sa takot nila sa Pangulo sa ginagawa nitong halos akapin at halikan ang China. Lalo na ngayon na napagpasiyahan na niyang manatili ang POGO sa bansa dahil malaking pondo ang kinikita nito sa kanila. Ang magandang balita na binanggit ni Panelo na ipinaabot ng Pagcor sa Pangulo ay iyong inihayag nito sa Senate Blue Ribbon Committee na 8 bilyong piso ang kinita ng bansa sa loob ng maikling panahong nagoperate ang POGO. “Stupidong pananalita ito,” wika ni Sen. Drilon, “hanggang may perang pumapasok sa atin ay pahihintulutan nang mangyari sa atin ang mga ito.” Tama si Drilon. Kasama na ang bansa sa mga babaeng Chinese naibugaw na sa POGO.

-Ric Valmonte