ISA akong masugid na tumatangkilik sa mga tricycle, de-motor man o de-padyak, na payao’t parito sa mga makikitid na iskinita at lansangan, lalo na sa loob ng mga subdivision sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Pero simula ngayon ay ayoko na – hinding-hindi na talaga ulit ako papara o pipila para makasakay sa dating paborito kong transportasyon. Peksman!
Mas gugustuhinko pa nga na maglakad na lang, kahit na umabot pa ng dalawa hanggang tatlong kilometro ang layo—good for the health pa -- kesa paulit-ulit na mangyari ang nakasusuya kong karanasan habang sakay nito.
Kahit na sa tingin ko ay malayo ang mga ito sa aksidente – sa aming lugar kasi sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City ay nirerespeto at palaging pinagbibigyan ng mga malalaking sasakyan ang mga bumibiyaheng tricycle – ay baka sa loob pa mismo ng sinaksakyang kong tricycle ako mapahamak.
Bakit kan’yo? Itoang aking makailang ulit na naranasan habang sakay ng tricycle, at obserbasyon ng mga kapwa ko senior citizen na palasakay rin sa mga tricycle.
Ilang ulit na rin kasing kumalabog ang aking bumbunan sa loob ng tricycle tuwing ito ay nalulubak o ‘di kaya naman ay may nadaraanan na mga matambok na ‘humps’.
Yo! Nauumpog akong palagi – madalas ay bukol o gasgas sa anit ang inaabot ko -- dahil sobrang baba (lowered kung tawagin ng mga tricycle boys) ang bubungan ng mga tricycle ngayon, kumpara sa mga design noong mga nakaraang dekada na napaka-kumportableng umupo sa loob nito.
May nagpayo sa akin na ‘pag nakasakay na ay sumandal at yumuko na lang daw ako para iwas untog. Sinunod ko naman pero ito ang kaso –nasa ganitong posisyon ako nang biglang nalubak ang sinasakyan ko. Bravo, ‘di nga ako nauntog pero animo sinundot naman ng bakal ang likod ko, sa may bandang bewang…sobrang sakit ang inabot ko!
Ang siste pala, pati sandalan ay “lowered” na rin. Kulang (o baka tinipid) marahil sa foam para maging malambot ito at maiwasan na masaktan sa matigas na bakal na gamit dito.
Wika nga ng ilang senior citizen na nakaranas din nang paulit-ulit na pagka-untog sa bubungan ng tricycle na kanilang sinasakyan: “Sobrang tinitipid sa yero at bakal ang paggawa sa katawan ng mga tricycle sa ngayon!”
Sa aking pagkaka-alam naman, nauso ang mga “lowered” na tricycle nang magkaroon ng kabi-kabilang karera nito sa mga dating hindi busy na mga kalsada. Ang design na ito ay sinasabing “aerodynamics” o nakatutulong sa mabilis na pagtakbo nang ipinangkakarera na tricycle.
Pero sa totoo lang, kahit na bihira na ngayon ang karera ng tricycle ay naging ganito na design ng mga naglalabasang pampasada dahil sobrang nakatitipid sa materyales ang mga gumagawa nito – at ang selling point nila: “Mabilis ‘yan parang pangarera!”
Pero ang problema, hindi talaga kumportable para sa mga pasahero -- lalo na sa mga senior citizen na katulad ko – ang ganitong design. Wala lang kasing pagpipilian ang mga pasahero kaya’t ‘di umangal at isinasantabi ng ilang minuto ang kanilang kaginhawaan hanggang makarating sa kanilang pupuntahan.
Pantawag pansin lang ito sa mga tanggapan ng pamahalaang lokal sa Metro Manila, lalo na rito sa Novaliches, Quezon City, at sa mga namumuno ng mga TODA (Tricycle Operators & Drivers Association) na sana’y ayusin ang ‘di napapansin na problemang ito – hanggat wala pang nabubutas na bumbunan at nababaling balakang ng senior citizen sa lugar ninyo!
Pwede pa namang ituwid ang kamaliang ito para sa kapakanan ng mas nakararaming pasahero. Malaki naman ang tama ko rito ‘di ba?
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.