NANG magsabog ng lagim ang tinaguriang sakit ng SARS sa mundo noong 2002-2003 higit sa 774 ang namatay, ngunit hindi ako kinabahan. Subalit itong bagong sakuna na tinaguriang COVID-19, kakaiba ang dating. May nakahalong pangamba na hindi ko mawari. Ang maliliit na buhok sa likod ng aking leeg nagtatayuan. Una pa lang ang bagong uri ng coronavirus sa Wuhan, China, na bumaybay sa kalapit na mga bansa ng mundo.
Kahit wala pa noon napababalitang nakarating na sa Pilipinas, umasa ako, na sana, hindi makadaong sa ating teritoryo ang coronavirus. Ito’y kahit pa sa realidad ng mga nagaganap sa ibang bahagi ng daigdig, maaabutan pa rin tayo sa kuko ng malas. Ilang linggong pagitan ang bibilangin siguro, bago pa ito bubulaga sa ating bansa. Habang sinusulat ang kolum na ito, 20 na ang patak sa metro ng mga nahawaan sa bayan ni Juan. Dapat sana noon Enero 23 noong naglabas ng pahiwatig ang China tungkol sa “quarantine,” sinabayan na ito ng Pilipinas. Dapat sana, nagpatawag ng National Security Meeting ang pamahalaan, sabay kung sino pang mga eksperto ang maaring isama para sumangguni ang ating mga lider sa mga ito. Dapat sana, nagkaroon ng Corona Virus Government Summit, kung saan lahat ng kinauukulan dadalo, upang pag-usapan ang lahat ng maaaring mangyari, at ang kaakibat na sagot, kung hindi man solusyon, para hindi lang sa kahandaan natin, bagkus, inuunahan na ang mga magaganap bago pa mangyari. Kelangan sa nasabing pondahan ang “worse-case scenario” at ano ang maaaring pormula at hakbangin ang agad ipapatupad ng ating pambansang pamahalaan, kagawaran, ahensiya, lokal na pamamahala, pulis, AFP, DOH, mga hospital (public at private), pagbili ng mga testing kits, pagpili ng mga quarantine at ligtas na mga lugar sa buong bansa, kasama ang mga posibleng “lockdown”ng mga paaralan, simbahan, lungsod, bayan, at iba pa. Ayon ni Dr. Gabriel Leung, isa sa pangunahing dalubhasa sa SARS at mga viruses sa mundo, kapag hindi naagapan ang COVID 19, ay aabot sa 60 milyong populasyon ang mahahawaan sa unang bugso pa lang. Tayo-tayo muna. Unahin ang Pilipino, hindi ang turista. Pamilya hindi negosyo.
-Erik Espina