ISINASAAD sa Seksyon 21, Artikulo VII, ng Konstitusyon na: “No treaty or international agreement shall be valid and effective unless concurred in by at least two-thirds of all the members of the Senate.” Kaugnay ng probisyong ito, isinumite sa ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States, na inaprubahan ng Senado noong Mayo 27, 1999.
Gayunman, walang probisyon sa Konstitusyon na nagtatakda sa desisyon ng Senado sakaling wakasan ang isang kasunduan. Kaya naman inabisuhan na lamang ni Pangulong Duterte ang US na nais nang tapusin ng Pilipinas ang VFA, ipinaabot lamang niya ito sa gobyerno ng US sa pamamagitan ng US Embassy sa Manila noong Pebrero 11, 2020 at ang terminasyon ay magiging epektibo makalipas ang 180 araw.
May ilang sektor na kumukuwestiyon sa desisyong wakasan ang kasunduan sa US, sa pagsasabing kailangan ng Pilipinas ang tulong ng US sa kaso ng pag-atake. Sa kabilang banda, marami rin naman ang naniniwala na panahon na upang kumalas ang bansa sa pagsandal nito sa proteksyon ng US at maging ganap na polisiya nito sa ugnayang panlabas.
Marami sa mga Pilipino sa kasalukuyan ang nananatiling may mataas na pagtingin sa US, pananaw na kinakatigan din ng maraming opisyal, kabilang ang ilang miyembro ng Senado. Isa ito sa mga rason kung bakit kinukuwestiyon ng mga senador ang desisyon ni Pangulong Duterte na wakasan ang VFA nitong Pebrero.
Ngunit may isa pang rason ang ilang senador kung bakit may pagdududa sila sa desisyon ng Pangulo sa VFA. Ang rason na ito ay may kinalaman sa tungkulin ng Senado sa buong sistema ng checks and balance sa pamahalaan ng Pilipinas. Ito ang tanong: Kung kailangan ng pamahalaan ang desisyon ng Senado bago ito makapasok sa isang tratado o kasunduan sa isang bansa, hindi na ba kailangan ang katulad na desisyon mula sa Senado kung magdesisyon itong tapusin ang kasunduan? Isa itong resonableng bagay. Ngunit dahil hindi ito malinaw na nabanggit sa Konstitusyon, hindi ito ginawa nang kasalukuyang administrasyon nang ibasura ang VFA nitong Pebrero.
Nitong Marso 2, inaprubahan ng Senado ang isang resolusyon na nananawagan sa administrasyon na ipagpaliban muna ang desisyon sa VFA habang nagsasagawa pa ng pag-aaral ang Senado hinggil sa kasunduan. Tumanggap ito ng 12 ‘YES’ votes at pitong abstentions, isang indikasyon kung ano ang nararamdaman ng mga senador hinggil sa pagkuwestiyon sa desisyon ni Pangulong Duterte.
Nitong nakaraang Lunes, Marso 9, anim na senador na pinamumunuan ni Senate President Vicente Sotto III ang gumawa ng panibagong hakbang at naghain sa Korte Suprema ng petisyon upang bigyan ng desisyon ang isyu kung kailangan ba ng Malacañang ang desisyon ng hanggang “two-third” ng Senado. Ayon sa kanila, ang desisyon ng Malacañang upang wakasan ang VFA ay “violates the principle of checks and balance and separation of powers.” Binigyang-diin din nila na dahil sa pag-apruba ng Senado, isang domestic legislation din ang VFA na may puwersa at epekto sa batas.
Samantala, ilang miyembro ng korte, na karamihan ay itinalaga ni Duterte, ay maaaring tumanggi na maglabas ng desisyon sa nasabing isyu. Maaari rin nilang sabihin na isa itong politikal na isyu na dapat resolbahin ng mga lider sa ehekutibo at lehislaturang sangay ng pamahalaan.
Ngunit makatutulong kung ang isyu sa desisyon ng Senado sa pagtatapos ng kasunduan—hindi isyu kung kailangan ba ang VFA—ay mareresolba at matutuldukan para sa interes ng mabuting pamahalaan. Higit pa rito, dapat na itong maging bahagi ng Konstitusyon sa susunod na pagbuo bilang basikong batas ng bansa.