DAHIL sa bagsik at tindi ng 2019 novel coronavirus disease (COVID-19), bumulusok sa pinakamababang antas o level ang Stock markets sa Asia sa nakalipas na apat na taon. Unang naranasan ng mundo ang pagbagsak ng stocks nang magdeklara ng bankruptcy ang Lehman brothers, isang dambuhalang global banking investment, noong 2008.

Bunsod ng pagbagsak ng stock markets sa Asia, apektado rin ang Philippine equities, na ang benchmark Philippine Stock Exchange index (PSEi) ay sumisid ng 457.77 puntos, o 6.8 porsiyento, at nagsara sa 6,312.61. Masyadong teknikal ang mga isyu tungkol sa stocks, pero sa layman’s words o ordinaryong mga tao, higit nilang maiintindihan na apektado ang ekonomiya at pananalapi ng ‘Pinas dahil sa pagsulpot ng karamdamang kung tawagin ay COVID-19, na ang episentro ay ang higanteng China.

Si Pres. Rodrigo Roa Duterte ay isang “patalastikong tao” o fatalistic person. Hindi siya natatakot na mamatay. Katwiran niya, kung oras na niya, wala siyang magagawa. Gayunman, ipinasiya ng Presidential Security Group (PSG) na nangangalaga sa seguridad ng Punong Ehekutibo, na ipatutupad nila ang “no touch rule” sa mga taong dumadalo o dadalo sa mga okasyon na naroroon si Mano Digong.

Nais ng PSG na maiiwas ang Pangulo sa posibleng pagkakahawa sa COVID-19 kapag siya ay nakipagkamay o nakipag-beso-beso sa mga tao at panauhin. Sisiguruhin ng PSG na ang mga tao ay susuriing mabuti at tetestingin sa ano mang sakit o sintomas na may kaugnayan sa karamdaman.

Bulong ng kaibigan kong sarkastiko: “Sundin kaya ito ng Pangulo eh mahilig siyang makihalubilo sa mga tao at panauhin kapag may miting at okasyon? ‘Di ba sa South Korea noon eh hinalikan pa niya nang lips-to-lips ang OFW na may asawa”.”

Tugon naman ni Senior jogger: “Iba ang panahon noon. Wala pang coronavirus kaya kahit siya humalik hindi siya mahahawahawan. Ngayon ay meron nang virus.” Obserbahan na natin kung ang “patalastikong presidente” ay makikipagkamay pa o mag-bebeso-beso sa mga panauhin, laluna sa magagandang babae.

oOo

Ligtas na si PNP Chief Gen. Archie Gamboa matapos bumagsak ang helicopter na sinakyan niya kasama ang ilan pang Heneral at opisyal. Buwenas siya kumpara sa dalawa pang Heneral na hanggang ngayon ay kritikal pa ang kalagayan.

Sa unang presscon niya sa Camp Crame, sinabi ni Gamboa na hindi muna siya sasakay sa helicopter sa pagdalo sa mga official function. Sasakay na lang siya sa kotse o van. Ayaw muna niyang lumipad, kaya ang biyahe niya ay by land muna o sa lupa at hindi sa himpapawid.

Ang dalawang Heneral na kritikal pa ang kondisyon ngayon ay sina Maj. Gens. Mariel Magaway at Jose Ma. Victor Ramos. Mabuti na ang kalagayan ni Brig. Gen. Bernard Banac, PNP spokesman, at apat pang police officers na kasama sa pagbagsak.

oOo

Alam ba ninyong may P80 bilyon na ang lugi ng Industriya ng Babuyan o local hog industry sa bansa sapul noong Agosto dahil sa African Swine Flu (ASF)? Ang nasabing halaga ay kumakatawan sa 30 porsiyento ng P260-billion industry, ayon sa mga opisyal ng Philippine Swine Industry Research and Development Foundation, Inc.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Arnulfo Frontuna, pangulo ng foundation, sa mga kongresista na halos wiped out o naubos ang mga baboy sa Bulacan, Tarlac, Pampanga. Ang Bulacan at Tarlac ang itinuturing na pinakamalaking producers ng mga baboy.

-Bert de Guzman