LUMAMPAS na sa 100,000 ang naitatalang kaso ng coronavirus sa 95 bansa sa mundo kung saan may 1,556 na pagkamatay. Naglaan na ang Estados Unidos ng $8.3 billion upang malabanan ang virus, isang araw matapos doblehin ng Italy, ang pinakamalalang tinamaan ng virus sa Europa, ang pondo nito sa 7.5 billion euros sa pagpapatupad nito ng lockdown sa 16 milyon Italians sa hilagang bahagi ng bansa.
Naitala rin ang unang mga kaso sa mas maraming bansa—sa Slovakia, Serbia, Peru, Bhutan, Palestine’s West Bank, Cameroon, Colombia, at Togo. Sa China, kung saan unang naitala ang virus, may bagong 99 na kaso at 28 pagkamatay.
Sinusubukan namang pahupain ng World Health Organization ang takot ng publiko hinggil sa coronavirus, sa pagbibigay-diin na hindi pa rin ito kasing tindi ng pagkalat ng annual flu epidemics na nagkaroon ng higit 5 million severe cases sa mundo, kung saan nasa 390,000 hanggang 650,000 ang namatay. Gayunman, hindi maitatanggi ang katotohanang matinding tinamaan ng COVID-19 ang mga bansa ng Italy, South Korea, at Iran, ang patuloy na kawalan ng bakuna at ang kawalan ng kumpirmadong impormasyon kung paano ito nakahahawa mula tao sa tao, kaya’t patuloy na magiging pangunahing problema ang coronavirus.
Higit sa problemang pangkalusugan, naging problemang pang-ekonomiya na rin ang coronavirus, kung saan ilang pabrika sa China ang nagsara na matinding nakaapekto sa pagbaba ng pagluluwas ng hilaw na materyales mula sa US at iba pang mga bansa, gayundin ang pagluluwas ng langis mula sa Middle East. Nahaharap naman sa pagkalugi ang mga airlines sa mundo nang hanggang $113 bilyon, lalo’t kanselado ang karamihan ng paglalakbay dahil sa pangamba ng virus sa maraming bansa. Bagsak din ang lahat ng stock markets.
Para sa maraming Pilipino, ang ekonomikong problema mula sa coronavirus ay nangangahulugan ng pagkawala ng trabaho ng libu-libong mga Overseas Filiino Workers na ngayo’y nagbabalik mula sa iba’t ibang mga bansa sa mundo. Iniulat ng Asian Development Bank na nasa higit 250,000 Pilipino ang maaaring mawalan ng trabaho sa industriya ng turismo pa lamang, kung patuloy na ipagbabawal ng pamahalaan ang pagpasok ng mga bisita mula sa China, dahil sa banta ng coronavirus.
Sa panahong ito ng Kuwaresma, nagdesisyon na ang Vatican na huwag hikayatin ang mga tao sa pagtitipon-tipon sa St. Peter’s Square. Bilang pag-alis naman sa ilang siglo nang tradisyon, kinansela ni Pope Francis ang Angelus Prayer na pinamumunuan ng Santo Papa, mula sa tradisyunal nitong puwesto sa bintana kung saan tanaw ang buong square kung saan libu-libong pilgrims ang naghihintay ng kanyang basbas. Sa halip, ibo-broadcast na lamang ang panalangin ni Pope Francis sa Vatican News, na ipalalabas din sa mga screen sa palibot ng square.
Hinikayat naman ni Balanga Bishop Ruperto Santos, ang mga Pilipinong nagbabalak bumisita sa Holy Land ngayong Kuwaresma na ipagpaliban muna ang kanilang biyahe para sa kanilang sariling kaligtasan. Iniulat na rin ng Palestinian Authority ang pagbabawal sa pagpasok ng lahat ng mga turista sa West Bank, kabilang ang Bethlehem at Jericho.
Sa mga Orthodox Christians, isang kontrobersiya ang lumutang sa Greece, kung saan iginiit ni Bishop Chrysostomos ng Paras, isa sa mga lugar kung saan may pinakamaraming kaso ng virus ang naitala, na ituloy ang tradisyunal na Holy Communion sa kabila ng takot ng ilan sa pagkalat ng coronavirus sa tinapay at alak. Pinahintulutan naman ng Greek health ministry ang mga local bishops na maglabas ng kanilang sariling babala.
Matatandaan nating dito sa Pilipinas, pinalitan ng Simbahan ang tradisyon ng pagpapahid ng abo tuwing Ash Wednesday at sa halip at iwinisik na lamang ito sa ulo , upang maiwasan ang physical contact na maaaring magpakalat sa sakit.
Maraming pagbabago ang ipinatutupad ngayon – sa kalusugan, ekonomiya, sosyal at maging sa gawaing panrelihiyon. Umaasa tayong huhupa na ang epidemya at tuluyan na itong magwawakas, bago pa ito magdulot nang malaking pinsala sa mga bansa sa mundo.