ISINUSULONG ngayon ng probinsiyal na pamahalaan ng North Cotabato, ang malawakang pagtatanim ng kawayan bilang solusyon upang mapigilan ang mga pagbaha at landslide sa probinsiya.

Nitong Linggo, pinangunahan ni Governor Nancy Catamco ang isang bamboo planting activity sa bayan ng Makilala, isa sa mga lugar na sinalanta ng serye ng mga paglindol noong nakaraang taon.

“I am pushing this bamboo planting program in support of our rehabilitation and rebuilding efforts of affected communities,” pagbabahagi nito sa mga opisyal ng Makilala, kung saan nasa mahigit 10,000 residente ang nanatiling nasa evacuation matapos lisanin ang kanilang mga nawasak na tahanan dahil sa mga paglindol noong 2019.

Binigyan naman ng mga construction materials ang nasa 300 pamilya sa isang barangay na matinding napinsala ng mga lindol.

Bukod sa mga construction materials, nagkaloob din ang probinsiyal na pamahalaan ng tulong pangkabuhayan sa mga pamilya, tulad ng mga binhi at iba pang planting materials upang makapag-umpisa ng kanilang income-generating projects.

Ayon kay Catamco nagkaloob ang North Cotabato provincial environment and natural resources office (PENRO) ng bamboo seedlings para sa planting activity.

“The bamboo trees are giving us protection, it is protecting us from landslides, from flash floods and eventually give livelihood to the locals,”aniya.

Mainam na panlaban ang kawayan sa pagguho ng lupa, landslide at pagbaha. Maaari rin itong makapaglabas ng hanggang 35 porsiyentong oxygen kumpara sa iba pang uri ng puno.