NAGRESULTA na sa malawakang pangamba at takot ang 2019 coronavirus outbreak (COVID-19). Nakaapekto na ito maging sa negosyo at kalakalan, paglalakbay, na lumilikha ng kawalang-katiyakan sa mundo.
Sa Pilipinas, kinumpirma kamakailan ng Department of Health (DoH) ang panibagong 10 kaso ng COVID-19, na may 20 sa kabuuan. Habang sa naging kumperensiya ni Pangulong Duterte kinumpirma ang apat pang kaso. Mauunawaan na lumikha ito ng takot at panic sa mga tao. Ilang lokasyon kung saan nadiskubre ang kaso ng COVID-19 ang naging tila ghost town nitong weekend. Habang bagsak naman ang suplay ng face masks, alcohol at disinfectant.
Nakausap ko ang ilang negosyante na nagsisimula nang maramdaman ang negatibong epekto ng virus. Nakitaan ang pagbaba ng bilang ng mga customer na bumibisita at bumibili sa mga airlines, hotel, restaurant at iba pang establisyamento. At kung magpapatuloy pa ang panganib hanggang sa ikalawang bahagi ng taon, makaaapekto na rin ito sa pag-usad ng ating ekonomiya.
Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon na nagdedeklara ng isang state of public health emergency dulot ng panganib ng COVID-19. Sinuspinde na rin niya ang klase mula Marso 10-14 bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Ilang opisyal naman ang nanawagan ng “lockdown” sa buong Metro Manila sa loob ng pitong araw upang maiwasan ang pagtaas ng posibilidad ng pagkalat ng virus sa buong bansa.
Isa itong malinaw na pagsubok sa liderato ng kasalukuyang pamahalaan. Kailangan ang mabilis na pagresponde ng administrasyon, malawakang aksiyon na hindi lumilikha ng anumang takot sa mga tao. Mahirap at nakalilito ito. Dapat maging agresibo at proactive ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng DoH upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Ngunit kailangan din nilang mag-ingat sa mga anunsiyo upang hindi ito lumikha ng mass hysteria.
Kailangan nating manatiling kalmado sa pagharap natin sa krisis. Tulad sa anumang pagsubok, ang tagumpay ay nangangailangan ng kooperasyon ng bawat isa. Kinakailangan dito ang isang whole-of-society approach kasama ang pamahalaan, pribadong sektor at publiko upang masiguro ang maayos na kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Nauunawaan ko rin ang pangamba na nararamdaman ng mga negosyo sa pagbaba ng kanilang kita. Ngunit ito ay ilan sa mga panahon na kinakailangan nating iprayoridad ang kalusugan ng bansa. Kailangan maisakatuparan ng pamahalaan ang kailangan nitong gawin upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng virus. Isipin natin ito—ang patuloy na pagkalat ng virus ay lilikha ng mas malaking problema para sa ating lahat. Kaya naman kailangan natin itong makontrol agad. Ito ang unang hakbang na kailangang gawin.
Ipinapakita naman sa atin ng banta ng COVID-19, ang pangangailangan para bigyan ng higit na atensyon ang kalusugan ng publiko. Kailangan natin ang mas maaayos na kagamitan sa mga lokal na ospital upang maibigay sa kanila ang kakayahan na makaresponde sa kaso ng isang outbreak.
Kung mayroon mang magandang dulot ang krisis, ito ay ang nilikhang pagbabago sa hygiene habit ng maraming Pilipino. Marami ngayon ang naging “conscious” sa pagiging malinis. Marami ang natuto ng tamang paghuhugas ng kanilang kamay na itinuro ng mga eksperto bilang pinakamainam na proteksiyon laban sa impeksyon. Karamihan ngayon sa umuubo at nababahing ang nagtatakip na ng kanilang bibig.
Hinihikayat ko ang bawat isa na huwag mag-panic. Siguruhing nakukuha ang tamang impormasyon. Nangangahulugan ito na hindi dapat paniwalaan ang lahat ng impormasyong ibinabahagi sa iyo ng mga kaibigan, o ang mga post mula sa ilang iresponsableng social media user. Iberipika muna bago maniwala.
Iwasan ding huwag palalain ang pangamba ng publiko. Protektahan ang sarili at ang iyong pamilya, ngunit huwag diskriminahin ang ibang tao. Maaari nating protektahan ang ating pisikal na katawan mula sa sakit nang isinasantabi ang pagkatao. Manatiling ligtas ang bawat isa.
-Manny Villar