HINAMON ng isang babae ang mga lalaki o kalalakihan na tumulong sa laban ng mga babae o kababaihan sa mga karapatan ng mga anak ni Eba. Ang hamon ay ginawa ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay ng selebrasyon ng International Women’s Day noong Marso 8.

Kung susuriing mabuti, higit ang pagpapahalaga sa kababaihan sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa. Dito sa ‘Pinas, ang babae o ina ang itinuturing na “Ilaw ng Tahanan.” Hindi katulad sa ibang bansa, tulad halimbawa sa Middle East, na ang mga babae ay kulang sa mga karapatan. Kailangan pa nilang humingi ng permiso sa kanilang mga ginoo bago makagawa o makapunta sa ibang lugar.

Para kay Sen. Risa, ang tinatawag na Male Privilege ay dapat gamitin sa pagkakaloob ng mga plataporma para sa mga isyu tungkol sa kababaihan. Ang Male Privilege daw ay isang structural issue na pinababayaan ng isang sistema na nagpapanatili sa kababaihan bilang “oppressed” o api.

Para sa akin, ang kababaihang Pilipino ay hindi api o under ng kalalakihan. Binibigyan sila ng angkop na pagtrato, paggalang at pagmamahal. Marahil, ito ay nangyayari lang sa mga lugar na ang ginoo ay walang trabaho, lasenggo, sabungero at abusado. Sa Kongreso nga, maraming babae ngayon ang mambabatas. Sa katunayan, dalawang babae na ang naging Presidente ng Pilipinas.

oOo

Patuloy sa pagdagsa sa PH ang POGO workers. Batay sa mga report, maraming Chinese at dayuhan ang gustong magpunta at magtrabaho sa ating bansa sa kabila ng mahigpit na regulasyong ipinatutupad ng gobyerno at ng Dept. of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Assistant Sec. Dominique Tutay, nakapag-rekord ang DOLE ng patuloy na pagdami ng foreign nationals, karamihan ay Tsino, na nagtatrabaho sa ‘Pinas. Mula raw nitong Enero hanggang gitna ng Pebrero, may 20,000 alien employment permits (AEPs) ang kanilang naiisyu.

Sa bilang na ito, ayon kay Tutay, ang 15,000 permiso ay inisyu sa POGO-related workers. Noong 2019, ang DOLE ay nag-isyu ng mahigit sa 143,000 AEPS sa mga manggagawa sa POGO. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Habang ang Pangulo ay si PRRD, patuloy ang pagdami ng mga manggagawang Tsino sa atin. Malambot ang kanyang puso sa mga Chinese.”

oOo

Batay sa pinakahuling ulat nitong Marso 9, umabot na sa 3,900 ang namatay nsa buong mundo dahil sa 2019 novel coronavirus disease o Covid-19. Samantala, may 106,000 naman ang infected ng sakit na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot o bakuna.

Karamihan sa mga biktima ng Covid-19 ay mula sa China. Marami na rin ang infected ng sakit na ito. Maging ang Pilipinas na kilala ang mga mamamayan sa pagiging malinis at malulusog, ay mayroon na rin ngayong infected o nahawahan ng Covid-19. Gayunman, habang sinusulat ito, wala pa namang Pinoy na namamatay.

-Bert de Guzman