ISA ako sa maraming kababayan natin na nababahala at nag-iisip ng epektibong paraan, upang makaiwas ang mga mahal sa buhay sa mabilis na kumakalat na “deadly virus”sa mileniyong ito na tinaguriang COVID-19.
Nguni’t ang pagkabahala kong ito ay medyo natabunan ng positibong pananaw – tila nawala ang takot ko at nahalinhan ito ng lakas ng loob -- matapos kong marinig ang tunay na saloobin ng ilang kababayan natin, na halos araw-araw yata ay kapiling sa kanilang pagtatrabaho ang iba’t ibang uri ng mikrobyo na nagdadala ng mga sakit, na gaya ng COVID-19 na kinatatakutan ngayon sa buong mundo.
Ang tinutukoy ko’y mga kababayan natin na laman ng mga mataong kalsada, iskinita at bangketa buong maghapon, dahil dito kasi sila kumikita araw-araw, sa gitna ng umaalimbukay na usok ng mga sasakyan at alikabok, mga basura, mababahong kanal at estero, na nilalanguyan at pinaglulunggaan ng iba’t ibang uri ng mikrobyo.
Naparaan ako kagabi sa gilid ng isang karinderya, ‘di kalayuan sa isang palengke sa Sampaloc, Maynila – karamihan sa mga kostumer dito ay mga drayber, tindero sa kalapit na palengke, naglalako ng paninda sa kalsada, at taong gaya ko na inabot ng uhaw at gutom sa pag-aabang ng masasakyan – at habang hinihintay kong iabot sa akin ang order kong samalamig na gulaman at sago, narinig ko na COVID-19 ang mainit na pinag-uusapan ng mga kostomer.
Anang jeepney driver na si Mang Taboy: “Aba’y dapat pala mag-face mask kaming mga driver saka mag-alcohol, kaso wala namang mabili. May nakita ako pero sobrang mahal -- sayang pera.”
“Kaya nga, tingin ko pakulo ‘yan ng mga negosyanteng gumagawa ng gamot para kumita ng malaki,” sagot ng batang bentador.
Natahimik ang lahat nang sumabad sa usapan si Tata Berto, isang mangangalakal ng basura na suki sa karinderiya: “Ang lakas manakot ng mga nasa gobyerno eh wala naman silang maibigay na tulong sa mga mahihirap na kagaya ko, natin pala. Ang lahat ng sinasabi nila kayang sundin ng mga mayayaman, may pambili sila – eh paano naman tayong mga mahihirap?”
Dagdag pa ni Tata Berto: “Pero sa isang banda, ‘di naman tayo dapat na matakot kasi mahihirap lang tayo. Kakampi natin ang mga mikrobyo sa mundo. Bakit kanyo - sa mga sinasabi nilang biktima, mga 20 na yata sa Pinas, bakit puro mayayaman lang ang dinapuan? Bakit walang nagkasakit ng corona virus na ‘yan na basurero na gaya ko? Nang mga kabitbahay ko sa gilid ng estero sa Sampaloc? Mga kapareho natin na paroo’t parito sa mga maalikabok na kalsada kung saan tayo kumukuha ng ikabubuhay – kahit na walang proteksyon na gaya ng face mask?”
Singit naman ng isang mukhang tindera: “Eh kasi nga ang COVID-19 dala lang dito sa bansa ng mga nagbiyahe sa China kung saan ito nag-umpisa. E wala naman sa ating mga taga-ilalim ng tulay na nakapag-abroad eh.”
Nangiti lang si Tata Berto at mariin ang tugon niya: “Sino ba ang kumukuha ng mga basura ng mga turistang may dalang COVID-19 – ‘di ba kaming mga basurero? Wala kaming facemask at di kami nag-a-alcohol kasi nga sayang ang pera, mahal masyado! Tubig at sabon lang kami pagkatapos naming magtrabaho buong maghapon! Pero hanggang sa ngayon, parang wala pa yata akong nababalitaan na me sakit ng ganyan na kasamahan ko.”
Dito na sumigaw ang tricycle driver na si Itoy ng ganito: “Kaya nga tayong mga mahihirap, dahil expose sa mga mikrobyo, naging kakampi na natin sila. ‘Di na tinatalo ng mga virus ang mahihirap na kagaya natin – ang puntirya lamang nila ay ang mayayaman na palaging maraming pera na pambili ng gamot.”
Habang naglalakad palayo ay nag-iisip ako nang malalim at parang gusto kong matawa – malaki kasi ang mga tama nila.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.