NANGAKO ang United States na magkakaloob ng $37 milyong tulong sa Pilipinas na apektado ng coronavirus disease (Covid-19. Bukod sa ‘Pinas, kasama sa aayudahan ng US ang 24 pang bansa na apektado ng karamdaman.
Sinabi ni Mark Green, administrador ng US Agency for International Development (USAID), ang $37 milyon ay kukunin mula sa Emergency Reserve Fund for Contagious Infectious Disease. Kasama ring tatanggap ng pondo ang World Health Organization (WHO).
Sana ay gayahin ng China, Russia at iba pang mayayamang bansa ang aksiyong ito ng bansa ni Uncle Sam. “Dahil ang banta ng infectious disease kahit saan ay banta sa kahit saang lugar, nananawagan kami sa iba pang donors na mag-ambag sa pagsisikap na sugpuin ang Covid-19,” ayon kay Green.
Malaki ang maitutulong ng $37 milyon sa pagbaka sa Covid-19 sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa na tinatamaan ng sakit na ito. Magagamit ang pondo ng apektadong mga bansa sa paghahanda ng kanilang mga laboratoryo para sa malawakang testing ng Covid-19 para masugpo ang sakit na ito na laganap na sa maraming bansa.
Sinusuri ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga report na may 3,000 Chinese military personnel ang nakapasok na sa bansa at nagsasagawa ng intelligence operations. Sinabi ni AFP chief of staff Gen. Felimon Santos Jr. na nakikipag-ugnayan ngayon ang kanyang intelligence staff sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan upang kumpirmahin ang pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na 3,000 sundalong Tsino ang nagsasagawa ng intelligence operations sa ‘Pinas.
Ayon kay Santos, bina-validate nila ang report ni Lacson dahil ito ay isang seryosong bagay. Dahil mismong ang senador daw ang nagsabing kelangan pa itong i-validate, nangangahulugan na ito ay isa palang hilaw na intelligence report, ayon naman kay presidential spokesman Salvador Panelo.
oOo
Bumagsak ang helicopter na lulan nina PNP Chief Gen. Archie Gamboa, tatlong Heneral at apat pang opisyal noong Biyernes sa San Pedro, Laguna matapos itong mag-takeoff. Habang sinusulat ko ito, ligtas ang lahat, maliban sa dalawang Heneral na kritikal ang kalagayan.
Bukod kay Gamboa, ang sakay ng PNP Bell 429 helicopter (RP3086-429) ay sina Brig. Gen. Bernardo Banac, PNP spokesman, Maj. Gen. Jose Ma. Victor Ramos, director for comptrollership, Maj. Gen. Mariel Magaway, director for intelligence, Capt. Kevin Gayarma, MSgt Louise Sistona, pilot Lt. Col. Ruel Salazar at co-pilot Lt. Col. Rico Macawili. Ang dalawang kritikal ang kalagayan ay sina Ramos Magaway.
Sa kabila ng aksidente at pagbagsak ng helicopter, mananatiling sasakay sa helicopter si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pagbisita at pagpunta sa iba’t ibang lugar. Sinabi ni Panelo na fatalistic ang 74-anyos na Pangulo at laging sinasabing “Kung oras ko na, ito na ang oras ko.”
-Bert de Guzman