MAS pinalakas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang information campaign ng ahensiya upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (Covid-19) sa bansa, na ngayong may sampung kumpirmadong kaso.

Sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Cashean Timbal nitong Lunes na layunin ng information campaign na maturuan ang publiko kung paano mapoprotektahan ang sarili mula sa posibleng impeksiyon.

Ayon kay Timbal, mayroong regular na pagbabahagi at pagpapalitan ng impormasyon sa lahat ng regional DRRMCs at civil defense offices.

“Iyung mga IEC (information education campaign) materials po nag-assist tayo sa dissemination to all RDRRMCs down to their LGUs (local government units). Our RDRRMCs also report monitoring of local situations to NDRRMC,” ani Timbal.

Kinumpirma nitong Linggo ang apat na bagong kaso ng COVID-19, na may kabuuang sampung positibong kaso sa bansa.

Pinalakas na rin ng Department of Health and the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagsisikap nito upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Bilang preventive measures, nanawagan ang DOH sa publiko na ugaliin ang proper hand hygiene, social distancing, at cough etiquette.

Habang inabisuhan naman ang publiko na umiwas muna sa pagbisita sa pampublikong lugar o pagdalo sa malaking pagtitipon.

“The NDRRMC ensures that all its compliances are in order, especially the campaign to educate the public on the steps to protect themselves from possible infection,” dagdag pa ni Timbal.

Tungkulin ng NDRRMC na tumulong sa pamamahagi ng impormasyon sa publiko, at ang contact tracing at field validation, repatriation operations ng mga Pilipino, koordinasyon sa mga local government units at partners, pagpapakilos ng logistics at pagsasagawa ng bio-chemical interventions, management of quarantine areas, at iba pa.

PNA