HINDI na mahalaga kung malagpasan ni Eumir Felix Marcial ang nalalabing dalawang laban para sa minimithing gintong medalya sa 2020 Asia and Oceania Qualifying Tournaments.
Ang pinakaimportante sa lahat, selyado na niya ang upuan para sa Tokyo Olympics sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
Nasungkit ng Pinoy middleweight champion ang minimithing slot sa boxing event ng quadrennial meet nang pulbusin si Australian Kirra Ruston, 5-0, upang makausad sa semifinals ng isa sa boxing qualifying tilt para sa Olympics.
Bilang top seed sa torneo, nakakuha ng bye ang 24-anyos na si Marcial, three-time SEA Games gold medalist at 2019 World Championships silver winner, bago nadomina si Mongolia’s Otgonbaataryn Byamba-Erdene via RSC sa third round.
Higit na mabangis si Marcial sa karibal na Ruston na hindi niya tinantanan tungo sa impresibong panalo. Makakaharap niya sa Final Four si Ashish Kumar ng India.
“Masayang-masaya po ako. Matagal ko na po itong pagkakataon. Last time, kinapos ako. Ngayon, po gagawin ko lahat para mabigyan ng karangalan ang bansa sa Olympics. Alay ko sa Tatay ko ang panalo ko,” pahayag ni Marcial.
“Nagbunga na matagal na naming itinanim na sakripisyo, pagsasanay at dasal,” aniya.
Bunsod nito, si Marcial ang unang boxer at ikatlong Pinoy na kwalipikadong lumaro sa Summer Games sa Tokyo. Nauna nang umusad sa Olympics sina gymnastics phenom Carlos Edriel Yulo at pole vaulter EJ Obiena.
Malaki ang tsansa na madgdagan ang bilang ng kwalipikadong fighters dahil apat pang Pinoy pugs ang nagbabantang makasikwat ng slots sa Tokyo Games.
Haharapin ni reigning women’s featherweight world champion Nesthy Petecio, top seed din sa Women’s Featherweight division, si Sena Irie ng Japan sa quarterfinals. Umabante si Petecio nang gapiin si Sri Lankan Krismi Lankapurayalage, 5-0, sa Round of 16.
Sa men’s Flyweight division,nadomina ni Carlo Paalam si Ramish Rahmani ng Afganistan, 5-0, upang maisaayos ang duwelo kay India’s Amit Panghal sa semifinals.
Sa Women’s Flyweight division, pinatigil ni Irish Magno si Hong Kong’s Winnie Au para maisaayos ang quarterfinals match kontra India’s Mary Kom.
Sa Women’s Lightweight division, naungusan ni Riza Pasuit si Saya Hamamoto, 3-2,para maisaayos ang quarterfinal duel kontra Taipei’s Wu Shih-yi.
Hindi naman pinalad ang dalawa pang miyembro ng Philippines Team matapos matalo si Clark Bautista kontra Thailand’s Chatchai-decha Butdee sa Round of 16, habang nalista lightweight James Palicte was outclassed by Uzbekistan’s Elnur Abduraimov.
-Annie Abad