“THIS 2020, by this Christmas, Christmas will be very happy for our countrymen. The landscape of Metro Manila will be changed completely,” pahayag kamakailan ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH). “This is the year we will decongest EDSA.”
Matagal nang problema ang trapik sa EDSA, na nagtatampok sa hindi magandang reputasyon ng Metro Manila bilang “worst place” sa mundo para magmaneho. Nang mahalal si Pangulong Duterte noong 2016, isa sa una niyang hakbang ang tugunan ang problema ng trapik at humiling sa Kongreso ng emergency powers upang magawa ito. Nagsagawa ang Senado ng ilang pagdinig ngunit hindi kailanman naaprubahan ang kahilingan, hanggang sa sabihin ng Pangulo na hindi na niya ito isusulong.
Kasunod nito, sa isang panayam sa Davao City, noong Hulyo ng nakaraang taon, biglang sinabi ng Pangulo na maaasahan na ang mas magandang daloy ng trapiko mula Cubao patungong Makati sa pagtatapos ng taon. “You just wait,”aniya. “I don’t want to preempt but things will improve maybe, God willing, by December… You don’t have to worry about traffic. Cubao to Makati just about five minutes away.”
Hindi kumbinsido sa pahayag na ito ang mga motorista na madalas inaabot ng isang oras para tahakin ang nasabing layo ng biyahe, ngunit sinubukan ng mga mabababang opisyal na sangkot ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ito. Lumikha ang Metro Manila Development Authority ng isang task force na tututok sa proyekto. Habang nakiisa naman ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa paghahanap ng solusyon sa problema sa trapik ng Metro Manila. Ngunit kailangang subukan ang lahat ng hakbang upang masolusyunan ito.
Sa kanyang State of the Nation Adress noong Hulyo, 2019, binigyan ng Pangulo ang mga alkalde ng 60 araw “to reclaim all public roads being used for private ends.” Dahil ito ang isa sa mga dahilan ng trapik—maraming kalsada at bangketa ang nahaharangan ng mga nakaparadang sasakyan, tindahan at mga vendor na sinasakop na ang mga bangketa, gayundin ang iba pang harang. Noong Pebrero, muling binigyan ang mga alkalde ng 75 araw upang ipagpatuloy ang road clearing campaign.
Lahat ng mga pagsisikap na ito ay nag-ugat sa orihinal na pangako ng pangulo na malulutas ang problema ng trapik sa Metro Manila. Hindi natupad ang unang pangako ng Pangulo na limang-minutong biyahe mula Cubao pa-Makati noong Disyembre, ngunit patuloy pa rin itong sinusubukan.
Nitong nakaraang linggo, isang anunsiyo ang inihayag ni Secretary Villar: “This year will be a turning point for Metro Manila. This is the year that we will decongest EDSA.” Magagawa, aniya, ito sa pagtatapos ng dalawang pangunahing proyekto ngayong taon— ang NLEX Harbor Link Segment 10 at ang San Miguel Corp.’s Skyway Stage 3 project.
Ang una—na 99 porsiyentong tapos na—ay ang bagong highway na magkokonekta sa NLEX at pier area sa Manila via Navotas. Ikalawa ang Skyway 3 project na nagkokonekta sa SLEX at NLEX—mula Gil Puyat Ave. sa Makati patungong San Juan sa Maynila sa Balintawak sa Quezon City. Ang una ay inaasahang tatanggap ng 30,000 sasakyan mula sa EDSA; ang ikalawa ay pahuhupain ang EDSA sa pagtanggap ng 100,000 sasakyan.
Mas matagal man ito kumpara sa orihinal na inaasahan ng Pangulo, ngunit ang unang panawagan ay walang dudang nagtulak kay Secretary Villar at sa iba pang opisyal ng pamahalaan upang gawin ang kanilang makakaya para maisakatuparan ito. Nawa’y makamit nga natin ngayong darating na Pasko ang limang-minutong biyahe sa EDSA na inaasahan nating lahat.