NAGSAMPA na ng petisyon si Atty Larry Gadon sa Korte Suprema at humihiling na mag-isyu ng temporary restraining order upang pigilan ang National Telecommunication Commission na mag-isyu ng pansamantalang permiso sa ABS-CBN para makapag-operate. Nagpasa kasi ang Senado ng resoluson na pinahihintulutan ang NTC na maglabas ng permiso sa giant media network para makapagtrabaho habang nakabimbin ang kahilignan nitong mapanibago ang kanyang prangkisa. Nauna rito, ipinaabot na ni Chairman Frans Alvarez ng House committee on legislative franchise ang kanyang liham na aprobado ni Speaker Allan Cayetano na ganito rin ang tema. Hindi na maaksyunan ang mga panukalang batas na nagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN, na mapapaso sa katapusan ng Marso, dahil magbabakasyon na ang Kongreso.
Ang layunin ni Atty. Gadon ay tumigil muna ng operasyon ang ABS-CBN, kaya ipinahihinto niya sa Korte Suprema ang NTC na mag-isyu rito ng permiso. Ang pinagbabatayan ng kanyang petisyon ay ang posisyon ni dating Chief Justice Reynato Puno na hindi makapag-o-operate ang anumang media network kapag walang prangkisa kahit pinahihintulutan ito ng NTC. Ayon kay Puno, ito ang desisyong kanyang sinulat bago siya maging Punong Mahistrado sa kaso ng Associated Communications & Wireless Services-United Broadcasting Network vs. NTC. Pero, iba ang pananaw ni dating Chief Justice Artemio Panganiban. Aniya, hindi lapat ang desisyong ito sa ABS-CBN dahil, hindi tulad ng Associated Communications na angoperate base lamang sa permiso ng NTC, ang ABS-CBN ay may prangkisa. Hindi pa lang naaksyunan ng Kongreso ang kahilingan nitong bigyan siya ng panibagong prangkisa.
Kumilos na naman ang team quo warranto. Nang mahirapan si Atty. Gadon na patunayan ang kanyang mga reklamo sa House Committee on justice para ma-impeach si dating Chief Justice Sereno, nagsampa ng quo warranto si Solgen Jose Calida sa Korte Suprema. Ito ang nagpatalsik kay Sereno na mula’t sapul ito ang hangarin ni Pangulong Duterte dahil hinarang nito ang ilegal na pagpapatupad ng kanyang war on drugs. Si Pangulong Duterte mismo ang humaharang sa prangkisa ng ABS-CBN. Kakampi ngayon nina Solgen Calida at Atty. Gadon si Speaker Cayetano, nagusap man sila o hindi, may kasunduan man sila o wala. Eh ang kanilang aksyon, bagamat hiwalay, ay iisa ang direksyon. Inupuan ni Cayetano ang mga panukalang batas na nagpapanibago sa prangkisa ng ABS-CBN, gayong may mga ibang prangkisa na itong inilabas at pinaaprobahan. Kung inaksyunan ni Cayetano ang prangkisa ang ABS-CBN, wala nang oportunidad si Calida para sa kanyang quo warranto. Wala na ring batayan para kumilos si Atty. Gadon. Sa ginawa niya ngayon, ipinasa na nila sa Korte Suprema ang kapalaran ng ABS-CBN. Ginawa ng team quo warranto ang ginawa nito kay Sereno dahil komportable sila dito.
-Ric Valmonte