NAIHIRIT ng Adamson University ang winner-take-all nang maungusan ang University of Santo Tomas, 79-74, sa Game 3 ng best-of-three UAAP Season 82 High School Girls’ Basketball Championship nitong Linggo sa Filoil Flying V Centre.
Lamang ng 13 puntos sa third canto at sampung puntos, 74-64, may 4:03 na lamang nalalabi sa laro, nalagay pa sa alanganin ang Lady Baby Falcons matapos makahabol ang Junior Tigresses.
Sa pinagsanib na puwersa nina Nicole Dagangan at Bridgette Santos, nagtala ang UST ng 10-3 run upang tapyasin sa 3 ang lamang, isang minuto ang natitira sa laban.
Ngunit,hanggang doon na lamang ang inabot ng Junior Tigresses habang sinelyuhan ng dalawang free-throws ni Joan Camagong ang tagumpay, 11 segundo na lamang ang nalalabing oras sa laban.
“Lesson we learned sa first game – control our emotions. Kasi from that kind of attitude na ginawa namin sa ang pangit ng kinalabasan,” ani Adamson head coach Ewon Arayi patungkol sa 68-73 pagkatalo nila noong Game 1.
“Players are complaining. Coaches are complaining. So walang composure. This time sabi ko sa mga bata please control your emotions,” aniya.
Pinangunahan ni Camagong, miyembro ng Mythical Team ang panalo sa itinala nyang 29 puntos, 12 rebounds, 3 assists, at 2 steals.
Tumapos namang may 10 puntos si Season MVP Cris Padilla habang nanguna para sa UST si Nicole Dagangan na may 23 puntos, 7 assists, at 6 rebounds kasunod ang kakambal na si
Erika na may 17 puntos at 10 rebounds.
-Marivic Awitan