FOLLOW-UP ito sa panayam namin kay 2nd District Congressman Alfred Vargas tungkol sa coronavirus na sobrang nababahala na ang buong mundo dahil sa paglaganap nito kaya payo niya sa lahat ng kababayan niya na sundin ang safety tips ng Department of Health para makaiwas.
Isa pang ikinababahala ng politikong aktor cum producer ay ang nalalapit na pagbubukas ng 1st Summer Metro Manila Film Festival sa Abril 11-21 na sana raw ay hindi makaapekto ang COVID-19.
Isa kasi ang pelikula niyang Tagpuan na siya mismo ang producer sa entry ng nasabing festival.
Habang sinusulat namin ito ay nakatanggap kami ng mga mensahe na kinansel ng Star Cinema ang red carpet premiere night ng pelikula nilang Motel Acacia sa Gateway Cinema 6 kagabi. Takot na kasi ang mga taong pumunta sa malls at manood ng sine.
“E, pag ganu’n, siguro ganu’n talaga wala na tayong magagawa, siguro punta na lang tayo sa mga online platforms or special screenings or international film fest. Kasi kami nakaka (tanggap) na kami ng imbitasyon for internationals, pero ito muna ang focus namin (MMSFF),” saad ni Alfred.
At bilang producer ay aminado siyang lahat ng risk ay nagawa na niya sa limang pelikulang nagawa niya at inamin din na tuluy-tuloy ang pagpo-produce niya ng pelikula kapag nawala na siya sa puwesto dahil last term na niya ngayon.
“Oo kasi at the end of the day, I want acting and producing to be my retirement job. Gusto ko kapag senior citizen na ako, nag-a-acting pa rin ako,”mabilis na sabi ng kongresista.
Sa tanong namin kung may plano siyang kumandidato sa mas mataas na posisyon, “wala pa ‘yan sa radar ko ngayon pero I’m doing myself to prove further, mga legacy projects,” say ni Alfred.
At bilang kongresista ay natanong ang tungkol sa renewal ng ABS-CBN na may preliminary hearing ngayong araw, Martes.
“Well on Tuesday (ngayong araw), we will start the preliminary hearing and ilagay muna ‘yung ground rules kasi I’m also member of the committee on franchising of reperesentatives.
“Alam n’yo ako, hindi ko naman ide-deny na ang naka-discover naman talaga sa akin ay si Mr. M (Johnny Manahan). Tapos I got my first big break sa Pangako Sa ‘Yo (2000), ako ang third wheel doon. Pero nu’ng lumipat na ako sa Kapuso network, e, nabigyan ako ng mas malalaking breaks doon tulad ng Encantadia kaya I’m forever be grateful and I believe in fair chances na kailangan madinig lahat.
“Sinabi ko na rin ito before na mas pabor akong ma-renew ‘yung franchise ng ABS-CBN pero after hearing all the sides at para na rin doon sa 11,000 employees at para sa mga natutulungan ng 11,000 na ‘yun o baka times 4 na ‘yung pamilya kaya malaking effect.
“Nag-sorry na naman na ‘yung ABS (CBN) tapos tinanggap na ni Pangulo kaya sa tingin ko, napakagandang development no’n. Tapos na-ere na ‘yung grievances, na-ere na ‘yung (iba pa), sa tingin ko, magandang proseso ‘yan dito sa renewal kasi this is provided for by the constitution and it’a a privilege din. At kita rin natin na maraming nagawang magaganda ‘yung network in terms of public service, so siguro, magkita-kita tayo sa Tuesday (ngayong araw) para sa preliminary,”mahabang pahayag ni Cong. Vargas.
Pagkatapos daw itong talakayin sa lower house ay saka ito iakyat sa upper house (Senate), then President pa rin ang pipirma whether he approves it or not. Dadaan ito sa normal legislative process na sa tingin ko and I’m very, very hopeful na sana magkaroon na ito ng magandang resulta kasi nakabitin ang buong industriya, eh, sana ma-define na talaga ito.”
-REGGEE BONOAN