SINIGURO ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kay Pangulong Duterte at sa Gabinete nitong nakaraang Lunes na magkakaroon ang publiko ng sapat na suplay ng tubig ngayong tag-araw. Nainspeksyon na umano niya ang Angat Dam, na nagsusuplay ng 97 porsiyento ng kinakailangang tubig ng Metro Manila, at sinabi niyang makasasapat na ito para ngayong taon.
Gayunman nang sumunod na araw, nagpalabas ng panawagan si Executive Director Sevillo Jr., ng National Water Resources Board (NWRB) para tumulong ang publiko sa pagtitipid sa tubig lalo’t magkakaroon ng pagkaantala ng suplay, aniya, sa ilang bahagi ng Metro Manila, sa inaasahang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam para sa susunod na mga buwan.
Tila nagkakatalo ang dalawang ulat na ito—isa na nagsisiguro na sapat ang tubig, habang ang isa ay umaapela sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.
Gayunman, sa isang banda mauunawaan natin ang ugnayan nito sa isa’t isa. Ang mensahe sa publiko ay ganito—magkakaroon ng sapat na tubig ngayong tag-init, ngunit dapat gawin ng publiko ang bahagi nito sa pag-iwas sa gawaing pagsasayang tulad ng labis na pagdidilig ng mga halaman at paglilinis ng mga sasakyan, at ang pagpapabaya na hayaang nakabukas ang mga gripo kahit pa puno na ang mga lalagyan. Dapat ding iulat kaagad ng publiko ang kaso ng nasirang tubo, dahil sa trapiko, aksidente, na naglalabas ng tubig sa mga kalsada at canal, bago pa marespondehan ng repair crew.
Binigyang-diin ng NWRB ang kooperasyon ng publiko dahil, bumagsak ang lebel ng tubig sa Angat Dam ng 157 metro noong 2019, ang pinakamababa ng taong iyon, na epekto ng El Nino. Mas mababa ito sa 212 metrong target na lebel.
Hindi tayo nagkaroon ng anumang bagyo na maaari sanang tumulong upang mapuno ang dam. At ngayon, nagsisimula na ang mainit na mga buwan ng Marso, Abril at Mayo. Malayo pa rin para hintayin ang hanging habagat na nagdadala ng tubig mula sa timogkanluran, dahil sa buwan pa ito ng Hunyo dumarating. Sa ngayon, kailangang mapagkasya muna ang kasalukuyang tubig na nasa Angat Dam.
Matapos pasaringan ni Pangulong Duterte ang Metro Waterworks and Sewerage System at ang Manila Water concessionaire para sa silangan ng Metro Manila noong nakaraang tag-araw, mabilis nitong sinolusyunan ang problema ng pagrarasyon sa tubig, sa pagpapatigil ng paglalabas ng tubig para sa irigasyon ng mga sakahan sa Bulacan. Bilang resulta ng problema sa tubig noong nakaraang taon, napagdesisyunang gamitin muli ang Wawa Dam upang makatulong sa pagsu-suplay ng tubig sa Metro Manila. Habang itatayo rin ang bagong Kaliwa Dam, ngunit aabutin naman ito ng ilang taon bago makumpleto.
Para ngayong taon, kailangan nating muling umasa sa Angat Dam, at sa dagdag na mga deep wells at sa Laguna de Bay. Naniniwala si Secretary Cimatu, na sa kabila ng mababang lebel ng tubig, mai-susuplay ng Angat ang pangunahing kailangang tubig ng Metro Manila ngayong tag-araw, ngunit malaking bahagi ng kanyang pagtataya ay umaasa na magkakaroon ng panaka-nakang mga pag-ulan sa lugar.
Mahalaga rin ang kooperasyon ng publiko sa pagtitipid ng tubig sa lahat ng posibleng paraan. Kasama, ng pagtataya ni Secretary Cimatu sa kakayahan ng Angat, dagdag pa ang kooperasyon ng publiko, malalampasan nating muli ang tag-araw nang walang malalang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila.