‘WAG kayong magulat kung sa darating na mga araw ay may makita o makabungguan kayo na mga senior citizen at Person With Disability (PWD)na nagtatrabaho sa mga naglalakihang fast food chain sa Lungsod ng Maynila.
Pirmado na kasi ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Ordinance No. 8598, na madaliang ipinasa ng konseho ng siyudad, bilang pagtupad sa ipinangakong proyekto ng pamahalaang local, para sa mga senior citizen na Manileño na gusto pang maghanapbuhay.
Ang pagsasabatas ng ordinansang ito sa Maynila ay kabuntot ng kasunduang nilagdaan ng ilang malalaking fast food chain sa lungsod – bilang pagsuporta ng mga negosyanteng ito sa bagong liderato sa Maynila - matapos na maupo si Isko Moreno bilang mayor.
Sa ilalim ng ordinansang ito, kinakailangang magbigay ng trabaho ang mga fast food chain sa Maynila sa mga karapatdapat na senior citizens at PDWs na hindi hihigit sa anim na buwan.
Anang isang bahagi ng Ordinance No. 8598: “Each branch of the Fast Food Corporations under this Ordinance shall give employment to at least two Senior Citizens and one PWD with a salary of at least the minimum wage provided under the Labor Code and with a minimum four hours work for at least four days each working week.”
Ngunit hindi ito basta-basta na lamang trabaho upang makasunod sa batas. Nakasaad kasi rito na hindi maaari na ang ibigay na trabaho sa mga senior citizen at PWD’s ay mahigit pa sa kanilang kakayahan at gawain na maaring malagay sa peligro sa kalusugan ng mga ito.
Nakasalang na ngayon ang pagbuo ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa isang Technical Working Group (TWG) na siyang gagawa ng karampatang “Implementing Rules and Regulations” para sa Ordinance No. 8598.
Para sa akin na isa na ring senior citizen, hindi naman marahil ‘yung pagkakakitaan lang ang inaasinta sa pagkakaroon ng trabaho matapos na mag-retiro – maaaring ‘yung iba naman ay kailangan pa ring kumita upang makatulong, sa halip na maging pabigat sa kanilang mga anak – dahil kahit papaano ay mga pension naman na kahit kakapiranggot ay napagkakasya sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Kung sabagay, kailangan naman talagang dapat ay palaging may naitatabing pera sa kanilang lukbutan ang mga senior citizen – para palaging may pampasaya at pang-uto sina lolo at lola sa kanilang mga pinakamamahal na mga apo.
Ang importante rito, sa aking palagay ay ‘yung nakakikilos pa kaming mga senior citizen upang maipakita na may halaga pa rin kami sa lipunang aming ginagalawan – ‘di lamang isang pabigat na palamunin sa pamilya.
At ang pinakamahalaga sa lahat – upang ‘di mawala ang RESPETO sa amin ng mga kabataan na kadalasan nang ginagawang katatawanan ang para sa kanila’y “kakulitan” ng mga senior citizen na kanilang nakakasalamuha.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.