INUULIT natin na kung naniniwala kayo sa survey-survey, sinasabi ng Social Weather Stations (SWS) na 62 porsiyento ng mga Pilipino ay naniniwala na kayang ipagtanggol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang West Philippine Sea (WPS) na ngayon ay dominado ng China.

May tiwala ng mga Pinoy sa kakayahan ng AFP na maipagtanggol ang ating soberanya at gusot sa karagatan sa WPS . Nagbigay din ng excellent rating sa aksiyon nito sa mga isyu ng panloob na seguridad internal security).

Sa SWS survey na ginawa noong Disyembre 13-16,2019, binigyan ng mga Pilipino ang AFP ng net satisfaction rating na +74 batay sa kanilang kaalaman sa military. Nang tanungin ang may 1,200 respondents mula Luzon, Visayas at Mindanao kung ano sa palagay nila ang kalagayan ng AFP sa paghawak sa isyu ng WPS territorial dispute, 62% ng respondents ang nagpahayag ng kasiyahan, 12% ang bahagyang di-nasisiyahan, at 26% ang di-makapagpasiya.

May mga report na lumabas noong Huwebes na maaaring suspendihin ni Mano Digong ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas. Nagsisiyasat ang Senado at ibang mga ahensiya tungkol sa negatibong epekto ng industriya ng POGOs sa ekonomiya at kagalingan ng bansa at ng mga mamamayan.

Sinasabing sapul nang mauso ang POGOs sa ating bansa, tumaas ang mga insidente ng kriminalidad, tulad ng money laundering, human trafficking, kidnapping at prostitusyon. Nang tanungin kung ano ang magiging aksiyon ng Malacañang hinggil sa POGOs-related illegal activities, tumugon si presidential spokesman Salvador Panelo na hindi kukunsintihin ni PRRD ang kurapsiyon, partikular sa pinsalang likha nito sa ekonmiya at peace and order.

Ayon kay Spox Panelo, isa sa mga opsiyon na kinukunsidera ng Pangulo ay ang suspensiyon o tuluyang pagsasara ng operasyon ng POGOs. Para naman kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, masyadong malambot ang Punong Ehekutibo sa mga Chinese. Ipinahiwatig pa niyang “kinukunsinti” ni PDu30 ang mga Tsino, na pinabulaanan naman ni Panelo.

oOo

Sa wakas, umatras ang Duterte administration sa desisyon nito na hindi tumanggap ng utang (loans), grants at iba pang ayuda mula sa mga bansa na kumatig imbestigasyon ng United Nationsl Human Rights Council (UNHRC) tungkol sa illegal drugs war ng Pangulo.

Sa balita noong Huwebes, ni-lift na ng Pilipinas ang suspensiyon ng mga pag-uusap at paglagda sa grant at loan deals sa mga bansa na katig sa UNHRC resolution tungkol sa drug war. May 18 bansa ang sumuporta sa UN resolution, na para sa PH officials ay pakikialam sa patakarang-panloob ng Pilipinas.

Hindi binanggit sa memorandum na nilagdaan ni Executive Sec. Salvador Medialdia noong Pebrero 27 ang dahilan kung bakit inalis o ni-lift ng Malacañang ang suspensiyon. Noong nakaraang taon, pinangunahan ng Iceland ang UNHRC resolution na naglalayong magkaroon ng komprehensibong report sa PH crackdown sa illegal drugs na naging dahilan ng kamatayan ng mahigit sa 5,000 tao.

Ang 18 bansa na sumuporta sa resolusyon ay ang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Iceland, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, United Kingdom at Uruguay.

-Bert de Guzman