Ayon sa Senate Bill No. 1083, o “Anti-Terrorism Act of 2020,” mananagot ka sa salang terrorism sa ganitong sitwasyon: “Committed by any person within or outside the Philippines who, regardless of the stage of execution, engages in acts intended to cause death or serious injury or danger to the life of any person, extensive damage or destruction to a government or public or private facility, extensive interference with damage or destruction to critical infrastructure, or who develops, manufactures, possesses, acquires, transports, supplies or uses weapons of mass destruction to intimidate the public, create an atmosphere of fear and intimidate or destabilize the government.”
Pagkakulong habang buhay ang parusa sa mga napatunayang gumawa nito. Nakalusot na ang panukalang batas na ito sa Senado sa botong 19-2. “Masyadong malabo at malawak ang sakop ng kahulugan ng terrorism, kaya pwedeng gamitin kahit sa ordinaryong krimen ng mga tiwaling law enforcer para mandakip ang kahit sino base sa gawa-gawang kaso,” wika nina Sen. Francis Pangilinan at Risa Hontiveros na siyang dahilan kung bakit sila ang dalawang bumoto laban sa bill.
Proclamation 1081, nang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law, itong SB 1083 kapag ito ay naging batas. Iyong ginawa at nagawa ng rehimeng Marcos sa ilalim ng marial law ay magagawa rin dito. Mangyayari ang garapalang paglabag sa karapatang pantao na naganap sa panahon ng martial law nang walang martial law dahil sa nasabing panukalang batas.
Kung tutuusin, mayroon nang mga batas ang pwedeng magparusa sa anumang gawa o akto na nakapaloob sa terrorismo. May tinatawag na qualifying o aggravating circumstances kung malala ang ginawa o ang naging epekto nito na pwedeng magpabigat sa parusa. Kaya, sa aking palagay, pinagsamasama lamang ang mga kasalukuyang batas upang isa lamang ang magiging taguri na mapanganib sa mamamayan.
Tama sina Sen. Pangilinan at Hontiveros. Pinalawak lamang ang sakop ng panukalang batas, kaya naging dahilan para maging malabo o di-tiyak ang nais parusahan nito. Ang problema, malinaw na nga ang mga ito pero dahil may kasong terorismo, pwedeng ipakahulugan na sakop ang mga ito dito. Tiwali man o hindi ng mga law enforcer, pwede nilang ipakahulagan na ang nagawang pangkaraniwang krimen ay terorsimo. Sila ang unang gagawa ng interpretasyon dahil sila ang nagpapatupad.
Ang malaking problema pa, pwede pang ipiit ang mga dinakip sa ilalim ng panukala nang mahabang oras. Kung dati ay 3 araw lang kapag warrantless arrest at grabe ang kaso, ngayon ay 14 na araw na mapapalawig pa ng 10 araw. Ang proteksyun lang sa mga naaresto ay inoobliga ang mga nang-aresto na dagling ipaalam sa malapit na hukom at Commission on Human Rights ang nangyaring ito. Balewala ito, eh kung iyon nakakulong ay nagagawang paslangin nang garapalan tulad ng nangyari kay Mayor Espinosa ng Albuera, Leyte.
Binibigyan lang natin ng armas ang gobyernong hindi na nagtatamasa ng suporta ng taumbayan para takutin at patahimikin sila. Terorismo laban sa mamamayan ang SB 1083.
-Ric Valmonte